Advertisers
Tukoy na ang pagkakakilanlan ng salarin ng graduating student ng De La Salle University (DLSU) Dasmariñas na natagpuang walang buhay sa loob ng isang dormitory sa Dasmariñas City Cavite.
Base sa inilabas na report ng Dasmariñas CPS, kinilala ang salarin na si Angelito Erlano y Lacerna, alias Kulet, nasa gustong gulang, residente ng Brgy. San Nicolas 2, ng nasabing lungsod.
Si Erlano ang salarin sa pagpatay kay Queen Leanne Daguinsin, 22, isang Computer Science student ng DLSU, na natagpuang patay at may 14 na tama ng saksak sa kanyang katawan 4:40 ng hapon noong nakaraang Sabado sa loob ng Rolisa Dormitory na matatagpuan sa Blk 6 Lot 5 Brgy Sta Fe, Dasmariñas City Cavite.
Ang pagkakatukoy sa pagkakakilanlan sa salarin bunsod ng isinagawang hot pursuit operation ng Dasmariñas City Police (CPS) at Cavite Police Intelligence Unit base sa isinagawang backtracking ng closed-circuit television (CCTV) footages kung saan natagpuan ang bahay nito sa Brgy. San Nicolas 2, Dasmariñas City at pagkakakilanlan nito.
“Identified na, sana sa ating mga kababayan natin sa Cavite, kung makita nila yung suspect, meron na rin itsura, hindi lang composite sketch but picture mismo because he was arrested last April 7, 2022 for ganun din na klaseng krimen. Kung makita sana ituro na lang because ‘yung kawawang estudyante ‘yung magulang ng estudyante they deserve all the justice,” pahayag ni PNP Chief Gen Ridolfo Azurin Jr.
Narekober sa lugar ang suot ng salarin sa pinangyarihan ng krimen ang kanyang itim na shorts na may white stripe, blue na t-shirt na may trademark na Eagle at isang itim na backpack na hinihinalang gamit ng biktima.
Ayon naman sa mga kamag-anak ng salarin, hindi na umano ito umuwi sa kanilang lugar dahil itinakwil na ng kanyang pamilya nang abusuhin nito ang inaanak ng kanyang tiyuhin.
Nasa mahigit sa P1,100,000 halaga ang reward o nakapatong sa ulo ng salarin sa makakapagbigay impormasyon sa kinaroroonan nito mula kina Governor Jonvic Remulla (P300,000); Senator Bong Revilla (P300,000); City Government ng Dasmarinas City (P300,000) at tig-P100,000 mula kina Mayor Jenny Barzaga at Congressman Pidi Barzaga.
Napag-alaman din na naharap sa kasong robbery ang salarin noong nakaraang taon.
Sinabi ni Azurin na naglunsad na ng manhunt operation ang mga operatiba para sa pagkakadakip ng suspek.(Irine Gascon.Mark Obleada/Koi Laura)