Advertisers
SA gitna ng malakas na agos ng tubig, lakas-loob na inalalayan ng isang ama ang kani-yang anak na guro at mga kasamahan nito sa pagtawid ng ilog sa Bongabong, Oriental Min-doro.
Ayon sa isa sa mga tinulungang guro na si Daisy Mae Anthony Paala, normal sa kanila ang tumawid ng ilog at umakyat ng bundok para maabot ang pinapasukang paaralan sa komunidad ng mga katutubong Mangyan.
“Sa regular na pasok namin, talagang mayroong ilog kaming tinatawid… Lalakad kami ng dalawa’t kalahating kilometro, tatawid kami ng ilog, at aakyat kami ng bundok,” kuwento ni Paala.
Pero noong hapon ng Huwebes, tumaas ang tubig sa ilog at lumakas ang agos, dahilan para magduda si Paala at 5 ni-yang kasamahan kung makauuwi pa sila.
Ayon kay Paala, nadatnan nila mula sa kabilang ibayo ng ilog si Noli Balontong, 54-anyos, ama ng kasamahan nilang guro na si Russel.
Kumuha si Noli ng timbulan at sinundo ang mga guro mula sa kabilang ibayo.
Nasa 2 guro ang kayang isakay ng timbulan sa bawat tawid nito.
Ayon kay Paala, labis ang kanilang pasasalamat sa ama ng kasamahan. “Nagkaroon kami ng pag-asa na makakauwi kami noong araw na iyon. Kasi iniisip po namin, ‘yong mga uuwian namin mag-aalala, kasi walang signal sa lugar na ‘yon.”
Noong nakaraang linggo, muling nagsimula ang klase sa mga pampublikong paaralan sa pamamagitan ng distance learning.
Ipinagbabawal parin kasi ang pagdaraos ng face-to-face classes dahil sa patuloy na banta ng COVID-19.