Advertisers
PINAGBIGYAN ng isang korte sa Maynila ang hiling ng bilanggong aktibista na si Reina Mae Nasino na masilayan sa huling pagkakataon ang kanyang namayapang 3-buwan gulang na anak.
Tatlong araw ang ibinigay ni Manila Regional Trial Court Branch 47 Judge Paulino Gallegos kay Nasino para makadalaw sa burol at makadalo sa libing ng anak na si River.
Maaari siyang lumabas ng Manila City Jail mula Miyerkules hanggang Biyernes.
Sa Miyerkules din nakatakdang ilabas ng korte ang order.
Ayon sa mga abogado ni Nasino mula sa National Union of Peoples’ Lawyers, ito na ang pinakamahabang furlough na ibinigay sa isang political detainee.
Namatay si River dahil sa pulmonya noong Biyernes, halos 2 buwan mula nang mawalay sa nakakulong na ina.
Sa video call palang nakikita ni Nasino ang kabaong ng kaniyang sanggol, kaya hiniling ng kaniyang mga abogado na makapagluksa manlang sana siya nang maayos at mailibing ang baby nito.
Ayon sa grupong ‘Kapatid’, magandang senyales ang desisyon para sa kaso ng ibang presong politikal.
Ayon kay Senate President Pro Tempore Ralph Recto, hindi na dapat mangyari ulit ang nangyari sa mag-inang Nasino at River.
Dapat aniyang payagan mabisita ng isang bilanggong ina ang anak nitong may sakit.
Matatandaang naaresto noong Nobyembre sa kasong illegal possession of firearms and explosives si Nasino, na anila’y bahagi ng crackdown ng mga awtoridad laban sa mga aktibista. (Jocelyn Domenden)