Advertisers
Kasama ang kanyang team, personal na namahagi si Senator Christopher “Bong” Go ng tulong sa mga mahihirap na residente ng Bacolod City sa Negros Occidental.
Sa aktibidad na ginanap sa Bacolod City College, namigay si Go at ang kanyang mga tauhan ng food packs, masks, vitamins, at meryenda sa kabuuang 1,000 residente.
“Kami po ang dapat magpasalamat sa inyong lahat dahil binigyan n’yo po kami ng pagkakataon na makapagserbisyo sa inyo… Ngayon, ako naman ang pwede kong maialay sa inyo ay ang aking pagseserbisyo. Sanay po ako sa trabaho… utusan n’yo lang po ako. Magseserbisyo po ako sa Pilipino sa abot ng aking makakaya,” ani Go.
“Nandirito po kami para magpasaya, makapagbigay ng tulong sa inyong problema sa abot ng aming makakaya, maglatag ng mga programa at proyekto na makatutulong sa mga kababayan natin, at makapag-iwan po ng kaunting ngiti sa panahon ng inyong pagdadalamhati,” idinagdag ng senador.
Nagpaabot din ng tulong pinansyal ang mga kinatawan mula sa Department of Social Welfare and Development para makaahon ang mga nahihirapang residente.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Go ang kahalagahan ng pagbibigay prayoridad sa kalusugan ng mga benepisyaryo.
Hinimok niya ang mga ito na humingi ng tulong medikal sa gobyerno, partikular sa Malasakit Center sa Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital (CLMMRH) sa lungsod.
Bago ang relief operation, nagsagawa din ng monitoring visit ang senador sa Malasakit Center sa ospital upang matiyak ang pagiging epektibo ng paglilingkod nito sa mamamayan.
Pangunahing inakda at itinataguyod ni Go, ang Republic Act No. 11463 o ang Malasakit Centers Act of 2019, ay nag-uutos sa pagtatatag ng Malasakit Centers sa lahat ng mga ospital na pinapatakbo ng DOH sa buong bansa, kabilang ang Philippine General Hospital na matatagpuan sa Maynila.
Sa kasalukuyan ay may 157 Malasakit Centers sa buong bansa na nakatulong na sa mahigit pitong milyong Pilipino, ayon sa DOH.
Samantala, patuloy din si Go sa pagsisikap na mailapit ang mga serbisyong medikal ng gobyerno sa mga liblib na lugar sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga Super Health Center.
Sa Negros Occidental, ang mga Super Health Center ay itatayo sa mga lungsod ng Bago, Cadiz, Himamaylan, San Carlos, Talisay, at sa bayan ng Cauayan na pinondohan noong 2022.
Ngayong taon, mas maraming SHC na pinondohan para sa mga lungsod ng Escalante, Sagay, Silay, Sipalay, at Victorias; at sa mga bayan ng Binalbagan, Calatrava, Cauayan, Isabela, Moises Padilla, Pontevedra, Pulupandan, San Enrique, Toboso, at Villadolid.
“Asahan niyo po na patuloy ang aking suporta at pagseserbisyo sa inyo. Dahil kapag nakikita po namin kayong nakangiti ay masaya na rin po ako. Dahil para sa amin, ang serbisyo sa tao ay serbisyo ‘yan sa Diyos. Maraming salamat rin po. Magtulungan lang po tayo,” ayon sa mambabatas.