Advertisers
Muling itinulak ni Senator Christopher “Bong” Go ang pagpapasa ng inihain niya Senate Bill No. 1191 na naglalayong magbigay ng Magna Carta para sa mga Filipino seafarer.
Ayon sa senador, vice chair ng Senate committee on migrant workers, napakalaki ng papel ng Filipino seafarers sa pandaigdigang kalakalan at transportasyon sa dagat, gayundin ang malaking kontribusyon ng lahat ng overseas Filipino workers sa ekonomiya ng bansa.
Ang panukalang batas, kung maipapasa ay sasaklaw sa mga isyu na kadalasang nakaaapekto sa mga marino.
Makakatulong ito na matiyak ang karapatan ng mga marino sa bansa sa disente at makataong trabaho. Magtatakda rin ito ng gabay para sa mga marino sa pagsasanay, trabaho sa ibang bansa, at pagreretiro.
“Ako ay walang humpay sa paghahangad ng interes at kapakanan ng ating OFWs, kabilang ang mga marino. Hanggang ngayon ay patuloy kong ipinaglalaban ang kapakanan ng ating seafarers dahil hindi po biro ang kanilang trabaho na mapalayo sa pamilya para mabigyan lang sila ng mas magandang kinabukasan,” paliwanag ni Go.
Ani Go, ang Pilipinas ang pangunahing pinagmumulan ng maritime labor at itinuturing na manning capital ng mga marino sa buong mundo mula noong 1987.
Sa 1.5 milyong marinero sa buong mundo, 25% ay Filipino sea-based worker, itinuturing na pinakamalaking nationality bloc sa industriya ng maritime.
Sa isang bukas na liham ng United Filipino Seafarers Labor Federation kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. at sa mga senador, na inilathala kamakailan, inulit ng grupo ang suporta nito sa pagpasa ng House Bill No. 7325, kilala rin bilang Magna Carta for Seafarers. Naghahangad din ito ng mas mahusay na proteksyon para sa mga marino, partikular sa pag-aayos ng iba’t ibang claim na may kaugnayan sa trabaho.
“Katulad ng pagsuporta natin sa mga OFW hanggang sa naisabatas ang panukalang nagtatag sa Department of Migrant Workers, nais ko rin na mabigyan natin ng kaukulang suporta at proteksyon ang ating seafarers. Kung may Magna Carta para sa kanila, mas mabibigyan sila ng proteksyon at mas maraming suporta,” ani Go.
Samantala, pinasalamatan ni Go ang European Commission (EC) sa desisyon nitong ipagpatuloy ang pagkilala sa certificate na inisyu ng Pilipinas na magbibigay-daan sa Filipino seafarers na magpatuloy sa pagtatrabaho sa mga barkong may bandera ng European Union (EU).
Matatandaang noong Disyembre 2021, ipinaalam ng EC sa gobyerno ng Pilipinas na babawiin ang pagkilala sa seafarer certificate nito maliban na lang kung seryosong hakbang ang gagawin, kabilang ang pagsunod sa International Convention on Standards of Training, Certification and Watchkeeping (STCW) para sa mga marino.
“Nais kong pasalamatan ang European Commission sa desisyon nito dahil ito ay nakatulong sa halos 50,000 seafarers, ayon sa datos ng Department of Migrant Workers.
Ani Go, isa itong patunay na ginagawa talaga ng gobyerno ang lahat ng makakaya upang mapangalagaan ang kapakanan ng mga manggagawa.