Comelec sa field offices: ‘KANDIDATONG OVERAGE, UNDERAGE AT HINDI PA BOTANTE PARA SA BSKE AGAD I-DISQUALIFY!’
Advertisers
SA unang pagkakataon, maaari nang agad na ma-reject o i-disqualify ng mga field office ng Commission on Elections (Comelec) ang mga aspiring candidates na overage na, underage o hindi pa rehistradong botante para sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections na idaraos sa Oktubre 30.
Kaugnay nito, inaasahang maglalabas ang poll body ng bagong panuntunan bago magsimula ang filing ng certificates of candidacy (COCs) sa Agosto 28 hanggang Setyembre 2 ng kasalukuyang taon.
Mariing nagbabala si Comelec Chairman George Erwin Garcia na hindi na tatanggapin ang mga nais tumakbo sa SK elections na mahigit 24 anyos ang edad sa mismong araw ng halalan.
Sa mga nais namang kumandidato para sa barangay election, sa oras na makitang hindi pa rehistrado ang mga ito, huwag na aniyang tangkain pang maghain ng COC dahil hindi na ito tatanggapin.
Sa bagong patakaran, hindi aaksyunan ng poll body ang libu-libong mga kaso para kanselahin ang COCs ng mga indibidwal na hindi naman dapat maghain ng kanilang kandidatura sa una pa lamang.
Paliwanag ni Comelec spokesperson Rex Laudiangco na nais lamang anilang hindi maulit pa ang nangyari sa barangay election noong 2018 kung saan naghain ang poll body ng nasa 6,000 special action cases para kanselahin ang COCs na karamihan ay mga kabataan na overage na dahil naghain sila ng COC kahit pa sila ay diskwalipikado o lagpas na sa 24 taong gulang ang edad sa mismong araw ng halalan.