Advertisers
Iginiit ni suspended Negros Oriental Representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr. nitong Lunes, Abril 24 na planado ang ikinasang raid ng pulisya sa kanyang ari-arian upang idiin siya.
Sinabi ni Teves na isa sa mga sangkot sa raid nagsabi pa sa kanya na ang utos nito ay nagmula sa dalawang mataas na opisyal upang idiin ito.
“‘Yung isang nag-raid nagsabi, ‘Pasensiya na kayo boss, utos ito ng dalawa doon sa taas.’ Hindi ko lang babanggitin ‘yung pangalan. ‘Wala kaming magawa dahil utos nila talaga na idiin kayo’,” ani Teves.
Sa ngayon, wala pang tugon ang Department of the Interior and Local Government (DILG) tungkol dito.
Matatandaan na itinanggi ni DILG Secretary Benhur Abalos ang mga akusasyon ni Teves, na idinidiin nitong nasa likod ng raid.
Kasalukuyang nasa labas pa rin ng bansa si Teves, at iniuugnay sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at walo iba pa noong Marso 4.