Advertisers
MABILIS na tinapos ng mga kongresista ang deliberasyon sa 2021 proposed budget ng Office of the Vice President sa plenaryo.
Nagkakaisa ang mga kongresista na itaas sa P1.358 Billion ang pondo ng OVP para sa 2021.
Unang nagmosyon si Camarines Sur Rep. Gabriel Bordado Jr., na dagdagan ang pondo ng OVP upang maisakatuparan ang mga programa ng tanggapan ngayong may pandemya.
Sinuportahan din ni ACT-Teachers Partylist Rep. France Castro na i-restore ang original budget proposal ng OVP para sa educational hubs na proyekto ng opisina na malaking tulong sa distance learning para sa mga guro at mag-aaral.
Ngayong 2020 ay aabot lamang sa P679 Million ang pondo ng OVP at irerekomenda sa kanilang amendments na taasan ang pondo nito sa susunod na taon.
Una nang tinapos ng Kamara sa pagbubukas ng special session nitong Miyerkules, Oktubre 14, ang budget deliberation para sa Commission on Audit, Civil Service Commission at DSWD.
Kung matatandaan ibinalik ng Kamara sa period of debates and interpellation ang 2021 General Appropriations Bill matapos itong mabilisang inaprubahan sa 2nd reading noong nakaraang linggo. (Henry Padilla)