Advertisers
Minsang naulinigan sa usapan ang kagandahan ng bansang Hapon kung saan ibinibida ng isa sa nag-uusap ang likas na kagandahan ng bansa. Paglalarawan nariyan ang kalinisan, maayos na mga pasilidad, likas na kapaligirang inaalagaan na patuloy na nililinang para sa kinabukasan at disiplina ng mga naninirahan. Sa pakikinig sa paglalarawan ng bansang ibinibida, itinanim sa isip at sarili na minsan sana’y mapuntahan ang nasabing bansa upang mabatid kung tunay ang paglalahad at paglalarawan ng kaibigan. Hindi nawala ang pagnanais na marating ang bansa ng mga Hapones, at minsan sa buhay, sumubok na kumuha ng pagsasanay bilang isang “waiter” sa layong marating ang bansang Hapon. Ngunit tila ‘di ukol na marating ang nais na bansa at nagbalik sa gawaing pagpapaunlad ng pamayanan.
Lumipas ang maraming panahon, nagka-asawa’t nagka pamilya hindi bumaba ang pangarap na marating ang bansa na kumiliti sa kaisipan. At sa isang pagkakataon, dininig ang kaibigan na mapuntahan ang bansang Hapon, narating ang lugar bilang isang turista kung saan namalas ng sariling mata na tunay ang paglalarawan na napakaganda ng bansang Hapon. Narating ang Kapitolyo, ng Tokyo at mga karatig pook kung saan nabighani sa ganda ng lugar, malinis na kapaligiran, magagalang na tao at maayos na sistema sa kakalsadahan. Hindi nawalan ng oras na ikutin ang magagandang lugar na isinama sa lakaring inilatag. Walang kapagurang at tiniis ang ilang mahahabang lakarin na nagpapasaya sa sarili. Maging sa talastasan ng mga kasama, na naroon ang ngiti na nagdadagdag kasiyahan sa lahat.
Ang isang pagbisita’y nasundan at magtungo sa Sapporo mula Tokyo, isang malayo-layong bayan kung saan nilasap ang “ Paskong Yebe”. Hindi mailarawan ang kasiyahan na literal na masasabing humiga sa yebe ng masabing totoo ang karanasan. Lumabas sa kakalsadahan, dinama ang bumabagsak na yebe sa bora na nakasuot sa ulo. Napakasarap na karanasan sa pamilya’t sa sarili ngunit sa likod nito’y may lungkot na nabatid na siyang ilalarawan.
Sa pag-ikot napansin na ang mga hapones na nagsisilbi sa mga establisyemento natunguha’y tila may katatandaan. Hindi pinansin ang unang naobserbahan ngunit sa isang lingong pagtigil, nagtuloy tuloy na napansin na halos lahat ng napasukang establisyemento’y tila kasing gulang ng mga kapatid ang mga nagsisilbi na mas may edad sa akin, bakit sila? Mahirap ba ang bansang ito na kailangang magtrabaho ang mga Senior Citizen o sadyang masisipag ang mga lahing ito. At naglalaban sa isip kung ano ang dahilan na sa gulang nilang iyon ay patuloy na nagtrabaho sa halip na magpahinga Na sa totoo lang, humanga’t napakamot sa ulo sa nakitang sipag ng mga Tanders na Hapones. At mahihiya kung ‘di malinis ang mga pinagkainan at hahayaan na sila ang magligpit. Hindi masasabi na nagpapabaya ang mga kabataan dahil saan mang lugar na patutunguhan naroon din ang mga nakatuwang sa pagsisilbi.
Patuloy sa pag-iikot, napansin na dumami ang ibang lahi ang nagtutungo sa bansang Hapon kumpara sa unang pagbisita. Naroon ang Pinoy (OFW) na katuwang ng ilang lokal na obrero. Hindi kakatwa na mahusay ang ating mga kababayan na naroon at nagsisilbi. Marami sa OFW na maraming taon na ang tumigil sa bansang iyon at masasabing batikan sa paggamit ng wikang Nihongo. Na ‘di mapapansin na kababayan kung ‘di magsasalita ng sarili nating wika. Ngunit sa galing ng mga Pinoy na nagtatrabaho sa bansa ng nga Hapones, marami ang may mga usapin na kailangan ayusin ng pamahalaan sa Pinas.
Sa usapin ng pag-aayos, lumabas na higit na nagkagusot-gusot ang kalagayan ng mga OFW sa bansang Hapon. Sa halip o tila naging pabigat ang dating sa dahilang dumami ang mga kailangan isumite at gawin ng mga aplikanteng nag nanais na manilbihan sa nasabing bansa. Dumami ang pagsasanay na kailangan daanan na ang suma total dagdag na gastusin sa mga OFW. At sa pagtungo sa destinasyon, may ibang bayarin na masasabing labis labis na dahilan kung bakit naging mailap ang ilang employer na hapones sa OFW. Ipinasok ang bayarin na tinatawag na Monitoring Fee na gastusin ng mga employer. Buwanang bayarin ng mga employer na karagdagang pabigat sa halip na dagdag na sahurin ng mga obrero. Sa kadahilanang ito, umilap ang ilang employer at napilitang lumingon sa kabila ng bansa at humanap ng ibang obrero bukod sa OFW. Ito ba ang pag-aayos para ating mga bagong bayani?
Marahil ‘di tuwirang pabigat sa mga OFW ang bayarin, subalit isa ito sa mga dahilan kung bakit naghanap ng ibang obrero ang mga hapones. At sa totoo lang, hindi makita ang halaga ng Monitoring Fee dahil walang makitang tauhan ang pamahalaan ng Pinas na nag-iikot at tumitingin sa kagalingan ng mga OFW. Sa katunayan, mayroon ang pamahalaang Hapon na tinatawag na Specified Skilled Workers scheme kung saan binabayaran ang gastusin ng Overseas Workers ng isang bagsak. Ngunit tila ‘di sapat sa Pinas at kailangan magbayad ng Monitoring Fee. Gayung tinitiyak ng SSW ang kagalingan ng mga OW. Tanong, batid ba ng ahensya ng pamahalaan na may mga OFW na ginagamit ang Hong Kong na Entry Point patungong Japan higit yung nakalagda na sa kontrata ng maka-iwas sa labis labis na bayarin. Batid ba ng pamahalaan na ang SSW Scheme ay isang malambot na paraan ng Pamahalaang Hapon sa pagbibigay ng citizenship sa mga dayuhang may katagalan na sa serbisyo sa kanilang bansa. Mapait ba ito sa panlasa ng gobyerno.
Sa totoo lang mabuti ang relasyon ng Pinas sa Japan at ang pag-aayos ng mga dapat ay gawin ng tama’t matuwid ng ‘di mataya ang relasyong ng dalawang bansa. Nakakabahala ang kilos ng ilang opisyal ng pamahalaan na sa halip na simplehan ang pagresolba sa usapin, tila naaapektuhan sa ngalan ng kaperahan. Sa totoo lang, naka abang ang kalapit bansa sa kilos ng gobyerno na handang ipalit ang kanilang obrero sa mga OFW. Masakit sabihin ngunit nasulot ang maraming OFW na naghahanap buhay sa Japan sa dami ng mga kailangan. Tunay na ‘di mawala sa isip kung bakit labis labis na pinahihirapan ang OFW patungong Japan gayung batid na maganda ang trato sa mga ito. Sa DMW at DOLE pag-aralan, simplehan, bawasan ang mga kailangan sa pagpapaalis ng mga OFW patungo sa Japan, maging sa ibang bansa. Bawasan ang labis labis na bayarin na nagtutulak sa mga OFW na maging mapaglikha upang maka alis at maghanap buhay sa ibang bansa. Di ba sila ang mga makabagong Bayani!
Maraming Salamat po!!!