Advertisers
PATULOY na pinag-aaralan ng pamahalaan kung maaaring pagkalooban ng pansamantalang trabaho sa Saudi Arabia ang mga Pilipinong naiipit sa kaguluhan sa Sudan.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Department of Migrant Workers Sec. Susan Ople na tinatrabaho ng kanilang tanggapan, katuwang ang Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of National Defense (DFA) ang bilateral assistance para sa mga Pinoy na apektado ng giyera.
Bumabalangkas na aniya sila ng confidential agreement para sa mga kababayan nating ililikas mula sa hilagang bahagi ng Africa.
Ang mga ayaw namang magsiuwi na apektado rin ng kaguluhan, sinabi ni Ople na pinag-aaralan na rin ng DMW ang posibilidad na mabigyan ng pansamantalang trabaho ang mga Pilipinong ito sa Saudi.
Isiniwalat ni Ople na karamihan sa mga Pinoy sa Sudan ay skilled professionals gaya ng mga engineers, teachers, managers at iba pa na matataas ang sahod.
Kaya naman, nauunawaan aniya nila na kahit mapanganib ay ayaw umuwi ng ilan sa mga ito habang ang ilan ay gustong maghanap ng trabaho sa ibang lugar dahil wala rin namang naghihintay na maayos na hanapbuhay pagdating nila ng Pilipinas. (Gilbert Perdez)