‘Liliwanag ang buong Maynila’ – Mayora Honey Lacuna

Advertisers
“LILIWANAG at liliwanag ang buong Kamaynilaan.”
Ito ang pangako ni Mayor Honey Lacuna, matapos niyang pangunahan ang patuloy na pagsasagawa ng pagpapailaw ng mga kalye noong April 26 ng gabi sa kanto nng Lacson Avenue at Aragon Street sa harap ng Fugoso Health Center sa 3rd district ng Maynila.
Si Lacuna na sinamahan nina Vice Mayor Yul Servo, Congressman Joel Chua, social welfare chief Re Fugoso at Councilor Fa Fugoso, at iba pa, ay nangako sa Manileño na ang pamahalaang lungsod ay hindi titigil sa pagpapailaw ng
madidilim na daan at kalye upang protektahan sila sa masamang dulot na dala ng madilim na lugar.
Naniniwala ang lady mayor na ang kadiliman ay kakampi ng mga elementong kriminal at maaari din itong magdulot ng aksidente lalo na sa mga motorista.
Nitong Miyerkules ng gabi ay pinangunahan niya ang pagpapailaw ng bahagi ng A.H. Lacson Avenue mula Laon-Laan Street hanggang Rizal Avenue na sakop ng third district ng Maynila.
Noong isang buwan naman ay pinailawan ng pamahalaang lungsod ang unang bahagi ng , Espana Boulevard hanggang Laon-Laan sa ilalim ng District 4.
“Isa lamang po itong patunay na ang inyong pamahalaan ay di natutulog at nagsusumikap para patuloy kayong paglingkuran nang maayos. Itong pagpapailaw na ito ay magbibigay sa atin ng dagdag proteksyon lalo na po sa mga naglalakbay sa daang ito… sa mag-aaral,guro, mga constituents na sa tuwina ay kinakailangan ng ating tulong na makasiguro na sila ay makakapunta at makakauwi nang ligtas sa kahit san man sila paroroon,” sabi ni Lacuna.
Sa kanyang maiksing mensahe ay pinasalamatan ni Lacuna si City Engineer Armand Andres, City Electrician Randy Sadac at ang Meralco sa pagbibigay daan para sa katuparan ng ekstensibong streetlighting project.
“Dahil po sa kanila, naisakatuparan ang pagpapaliwanag. Umasa po kayo na ang inyong pamahalaan ay di titigil na magsumikap na kayo po at ang buong Kamaynilaan ay lalo pong lumiwanag at lalo kayong mabigyan ng pangaraw-araw na proteksyon sa lahat ng panahon,” sabi ng alkalde.
Idinagdag pa nito na : “Hindi po ito ang huli. Pangako po namin sa inyo na sa abot ng aming makakaya, gaya ng aking sinabi, liliwanag at liliwanag ang buong Kamaynilaan.”
Ayon naman kay Andres, ang lungsod ay naglagay sa center island ng 12 sets ng 25-foot street lampposts, double arm, na may 24 piraso ng 200 watts warm white LED streetlights.
“On both sides of the sidewalks, installed were 42 sets of 27-foot street lampposts double arm, with 42 pieces of 100 watts wam white, LED streetlights”, sabi pa ni Andres. (ANDI GARCIA)