Advertisers
Iniulat ni Lapu-Lapu City Disaster Risk Reduction and Management Office Chief Nagiel Bañacia na ang natapong chemical compound ang sanhi ng sunog sa abandonadong barko na MV Diamond Highway sa may bisinidad ng baybayin ng barangay Punta Engaño sa Lapu-lapu city sa Cebu nitong Biyernes, Abril 28.
Ayon kay Bañacia, natapon ang acetylene at nahulog ito sa pintura na pinagmulan ng sunog.
Nangyari ang insidente ng sunog 2:00 ng hapon habang sinusubukang lansagin ang barko.
Ligtas namang nasagip ang lahat ng 23 manggagawa ng barko na siya ring humingi ng tulong nang ma-trap ang mga ito sa taas na bahagi ng barko.
Inabot ng 10 oras ang disaster response mula Lapu-Lapu city sa pag-apula ng sunog sa abandonadong barko.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng Philippine Coast Guard (PCG), napadpad ang naturang barko sa lugar matapos na sumadsad noong kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Odette noong Disyembre 2021.