Advertisers
MAGTATALAGA si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sa gabinete ng mga natalong kandidato sa nakaraang 2022 national elections.
Ito ay kasunod ng pagtatapos ng isang taong election ban ngayong buwan.
“Marami namang magaling na hindi nanalo sa eleksyon na gustong tumulong. So we will certainly look into that in different positions,” sabi ng Pangulo sa panayam ng media sa loob ng eroplano patungo ng Washington D.C. noong Linggo.
“More or less, for the beginning of… the second year of my term, palagay ko mayroong mga ano. Not a shuffle but we will add people to Cabinet, to strengthen the Cabinet,” ayon pa sa Pangulo.
Gayunpaman, hindi pa ibinubunyag ng Pangulo ang mga pangalan ng mga natalong kandidato na magiging bahagi ng gabinete dahil gusto niyang makipag-usap muna sa kanyang mga prospect.
“Hindi naman nila dapat marinig sa press. Dapat marinig nila ito sa akin. Kami muna mag-usap,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Batay sa Article IX-B, Section 6 ng 1987 Constitution, no candidate who has lost in any election shall, within one year after such election, “be appointed to any office in the government or any government-owned or controlled corporations or in any of their subsidiaries.”
Ang presidential polls ay ginanap noong Mayo 9 ng nakaraang taon. (Vanz Fernandez)