Advertisers
INANUNSIYO kahapon ng Malakanyang na papayagan na ang pangingisda sa mga karagatang nasa Clusters 4 at 5 o ang mga lokalidad na apektado ng oil spill sa Oriental Mindoro.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), ito ang nabatid mula sa Task Force MT Princess Empress Oil Spill Incident kasunod na rin ng serye ng mga laboratory tests na isinagawa sa mga katubigan at mga isda ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) noong Abril 17 at 24.
Ang Cluster 4 ay kinabibilangan ng mga bayan ng Bongabong, Roxas, Mansalay at Bulalacao habang nasa Cluster 5 naman ang Puerto Galera, Baco, at San Teodoro.
Hindi naman inirerekomenda ang fishing activities sa mga karagatan na nasa Clusters 1, 2 at 3 na kinabibilangan ng mga bayan ng Naujan, Pola, Pinamalayan, Gloria at Bansud dahil sa banta pa rin ng kontaminasyon.
Dahil dito, naglabas din agad ang Department of Health (DOH) ng guidelines para sa ligtas na pagkonsumo ng isda at iba pang seafood products sa Clusters 4 at 5.
Inaabisuhan ang publiko na lutuing mabuti ang mga pagkain o lamang dagat mula sa mga nasabing lugar.
Gayundin, ipinapayo rin na huwag nang kainin ang mga isda, shellfish at iba pang seafood products na amoy o lasang langis.
Ayon sa DOH, dapat ding tiyakin ng mga mangingisda na ang mga huli nila ay hindi sumasayad sa langis sa karagatan at walang senyales ng kontaminasyon. (GILBERT PERDEZ)