Advertisers
NASAWI ang 3-buwan gulang na sanggol nang buhusan ng kumukulong tubig ng adik na tiyuhin habang nasa impluwensya ng ipinagbabawal na gamot sa Cainta, Rizal.
Walang buhay at may mga lapnos sa katawan at sugat sa ulo nang matagpuan ng mga kapitbahay at mga pulis ang beybi na si Bryant Louise Ballesteros.
Nagtangka tumakas subali’t mabilis na naaresto ng mga rumespondeng pulis ang salarin na si John Melvin Campos, 18 anyos, na siyang tagapag-alaga ng sanggol at kapatid nitong 1 anyos habang nasa trabaho ang kanilang ina.
Sa ulat ng Cainta Municipal Police, 10:30 ng umaga nadiskubre ang bangkay ng sanggol sa loob ng isang paupahang kuwarto sa Room 102 sa Sampaguita St., Ampalaya Compound., Sitio Halang, Barangay San Isidro, ng basabing bayan.
Sa tinanggap na ulat ni Colonel Dominic Baccay, direktor ng Rizal PNP, ipinagkatiwala ni Vivien Navarro, 27, ina ng bata, ang kanyang mga anak sa kanyang pinsan na si Campos, tiyuhin ng mga bata, bago pumasok sa trabaho Linggo 5:00 ng umaga.
Kinabukasan (Lunes) 12:00 ng tanghali, ipinaalam kay Navarro ang insidente ng kanyang kapatid na natagpuang patay ang kanyang anak na lalaking sanggol.
Nauna rito, napansin ng mga kapitbahay na umalis ng bahay ang salarin dala ang kanyang mga gamit, nang ihabilin ang 1-anyos na kapatid ng biktima sa kanilang kapitbahay.
Batid ng mga kapitbahay na may sanggol pa sa bahay ng salarin, kaya agad nilang sinilip at nakitang nakatakip ng kumot ang sanggol kaya sapilitan na nilang binuksan ang silid at natuklasang patay na ito, may mga lapnos at sugat sa katawan.
Kaagad tumawag ng tulong sa barangay ang mga kapitbahay at ini-report ang insidente sa pulisya na agad namang rumesponde sa lugar.
Kaagad namang nahuli ang salarin sa Sitio Pakulis, Barangay Poblacion, San Jose Del Monte, Bulacan Lunes ng gabi.
Sa hiwalay na pahayag ni Major Alfonso Saligumba, hepe ng Cainta Police Station, sinabing adik sa droga ang salarin at nasa impluwensya ng droga nang isagawa ang pagbuhos ng kumukulong tubig sa beybi.
Inamin ni Campos ang krimen. Hindi aniya intensyon patayin ang pamangkin. Nagpakulo aniya siya ng tubig para paliguan ang pamangkin dahil umiiyak ito sa gutom at walang gatas na iniwan ang ina nito. Inakala aniya na maligamgam lang ang tubig na ininit nito, subali’t dahil sa “sabog” siya sa droga ay naibuhos nito ang tubig sa kanyang pamangkin, na nagmistulang nilagang karne ang katawan.