Advertisers
INIHAYAG ni Department of Justice (DOJ) spokesperson Undersecretary Mico Clavano IV na mayroong nakalap na matibay na ebidensiya ang law enforcement agencies para suportahan ang pagtukoy kay suspended Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr. bilang terorista.
Sinabi ni Usec. Clavano, nakatakdang isumite ang mga nakalap na ebidensiya sa Anti-Terrorism Council (ATC) para suportahan ang rekomendasyon ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla laban kay Cong. Teves.
Una nang inirekomenda ni Sec. Remulla ang designation kay Teves bilang terorista sa ilalim ng Republic Act No.11479 o ang Anti-Terrorism Act of 2020 na siyang nagtatag ng Anti-Terrorism Council.
Nakatakda ring magpulong ang technical working group ng ATC para talakayin ang naturang isyu kung saan dito makikita ang pag-usad ng mga ebidensiyang nakalap at case build up ng law enforcement agencies.
Ayon pa kay Usec. Clavano, mayroong ibang sources ang National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa iba pang mga insidente na hindi pa naisasampa sa korte o sa prosecutor at sinimulan na ang imbestigasyon sa mga ito.
Dagdag pa ng DOJ official, maraming nakalap na material ang ahensiya mula sa mga pagdinig na isinagawa sa Senado kung saan karamihan aniya sa mga insidente ay nabigyang-linaw.