Advertisers
Posibleng makakuha ng suporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang alyansang Vice President Sara Duterte at Pampanga 2nd District Rep. Gloria Macapagal Arroyo sa umiiral na kampihan sa Mababang Kapulungan kasunod ng hinihinalang coup laban sa liderato ng Kamara.
“I think the alliance between GMA and Vice President Duterte continues and it is possible that it could get the support of the former President Rodrigo Duterte who has still residual influence in Philippine politics,” pagbabahagi ni Albay 1st District Rep. at Liberal Party president Edcel Lagman sa panayam ng CNN Philippines nitong Lunes, Mayo 22.
Matatandaan na isang araw makalipas na palitan si Arroyo bilang senior deputy speaker, nagbitiw naman sa pwesto si Duterte bilang miyembro ng Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD), ruling political party sa Kamara.
Bagama’t hindi tinukoy ang dahilan ng pagkalas sa partido, hinihinalang “powerplay” ang nasa likod nito.
Samantala, itinanggi naman ni Arroyo ang mga usap-usapan na may plano umano siyang patalsikin si Speaker Martin Romualdez.
Matagal nang magka-alyansa sina Arroyo at Vice President Duterte na pinaniniwalaang nasa likod din ng pagpapatalsik naman kay dating House Speaker Pantaleon Alvarez noong 2018.
Kinumpirma naman ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Oktubre na ang anak niya ngang si Sara ang nagsulong na patalsikin si Alvarez sa pwesto.
“It’s now a combat, so to speak, between Speaker Romualdez and President Marcos Jr. versus the partnership of the vice president and former president GMA and possibly with the support of Sara’s father, former President Rodrigo Duterte,” sinabi ni Lagman.
Inaasahan ng mambabatas na marami pang kakalas na loyalista ni Arroyo at Vice President Duterte mula sa Lakas-CMD.
Naniniwala rin si Lagman na maaaring nagpaplano na si Arroyo ng opensiba lalo’t nakikita nito na hindi basta-basta tatanggapin ng dating Pangulo ang “humiliating demotion lying down.”