Advertisers
Muling iginiit ni Senator Christopher “Bong” Go ang kanyang suporta sa muling pagpapatupad ng parusang kamatayan sa mga kasong kinasasangkutan ng mga karumal-dumal na krimen na may kaugnayan sa iligal na droga.
Sa isang panayam matapos personal na tulungan ang mga nahihirapang residente sa Sariaya, Quezon, iginiit ni Go ang pangangailangang magtanim ng takot sa mga kriminal at idiniin ang epekto ng mga krimeng may kinalaman sa droga sa hindi mabilang na mga inosenteng buhay at pamilya.
“Alam n’yo, basta involved sa heinous crime, dapat talaga lethal injection. Kailangan takutin mo talaga. Alam mo kung bakit? Ito, ang drogang ito, ilang buhay po ang wawasakin nito. Bawat gramo, bawat kilo, ilang buhay po ang sisirain? Ilang pamilya ang sisirain?” giit ni Go.
Binigyang-diin niya na ang parusang kamatayan, kung ipapatupad, ay magiging hadlang sa mga karumal-dumal na krimen. Sinabi ni Go na dapat mayroong kahihinatnan para sa mga kumikitil ng buhay ng iba.
“Sang-ayon po ako d’yan para takutin talaga. Hindi lang takutin, talagang tuluyan mo ang mga tao na walang ginagawa kundi pumatay din ng tao. Kasi kapag pumasok ka sa droga, sisirain mo, wawasakin mo ang buhay ng kapwa mo Pilipino,” aniya pa.
Binigyang-diin ng senador ang pagsisikap ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na labanan ang kalakalan ng iligal na droga at ang mga kasunod na problemang idinulot nito sa lipunan. Ayon kay Go, kapag bumaha ang droga sa mga lansangan, hindi maiiwasang sumunod ang krimen at katiwalian.
“Kaya ganun na lang po ang galit ni (dating) Pangulong Duterte sa iligal na droga. Kapag pumasok po ang droga, papasok po ang kriminalidad, papasok po ang korapsyon. Mabibili po ‘yan. ‘Yan po ang kinatatakutan natin dito, kapag bumalik po ang iligal na droga, hindi na po magiging safe maglakad ang mga anak natin,” anang senador.
Sa pagdinig ng Senate committee on public order and dangerous drugs noong Martes, inusisa ni Go ang pamunuan ng PNP hinggil sa kanilang paninindigan sa potensyal na pagtatalaga sa dating pangulo bilang anti-drug czar ng bansa.
Ayon Go, magiging mahalagang asset sa nasabing papel ang dating pangulo sa pagsasabing “Kamay na bakal talaga ang kailangan dito, takot talaga. Pero kailangan may ngipin. Kung gagawin siyang drug czar, dapat may ngipin siya kasi kapag walang ngipin, hindi nakakatakot.”
Dismayado ang senador dahil sa mga ulat na katiwalian sa hanay ng pulisya sangkot ang droga. Aniya, nakalulungkot ang mapanirang epekto ng paglaganap ng droga sa institusyong inatasang protektahan ang mga inosenteng buhay at pamilya.
Ayon kayo Go, dapat mapigilan ang pagbabalik ng mga sindikato ng droga at mga kriminal dahil maraming indibidwal ang nagnanais ng mapayapa at tahimik na kapaligiran.
Kaya naman hiniling ni Go sa Philippine National Police na paigtingin ang kampanya laban sa kalakalan ng iligal na droga.
“Importante to maintain peace and order. Dapat po mawala ang iligal na droga, dapat po ay labanan ang iligal na droga. ‘Yan po ang aking panawagan sa pulisya,” ani Go.
Noong nakaraang taon, inihain ni Go ang Senate Bill No. 428 na naglalayong magtatag ng Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center sa bawat lalawigan sa buong bansa.
Inihain din niya ang SBN 2115 na naglalayong i-institutionalize ang isang technical-vocational education and training (TVET) at livelihood program na sadyang idinisenyo para sa mga rehabilitated drug dependents.