Advertisers
PINAG-AARALAN ngayon ng Department of Transportation (DOTr) na itaas sa 40% mula sa 30% ang passenger capacity sa mga public utility vehicles (PUVs) sa susunod na dalawang linggo.
Ito ang inihayag ni DOTr Assistant Secretary Goddes Hope Libiran sa isang panayam kahapon kasunod ng pagtaas sa 30 percent ang passenger capacity sa mga pampublikong sasakyan simula nitong Lunes.
Ayon pa kay Libiran, posibleng itaas pa ang bilang na ito sa 40 percent hanggang 50 percent sa susunod na dalawang linggo.
Saad pa ni Libiran ang mandato aniya ay depende na rin sa guidance ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) sa mga susunod na araw at kung walang magiging problema sa gradual increase sa passenger capacity na sinimulang ipinatupad nitong Lunes.
Paalala ni Libiran sa mga pasahero, pati na rin sa mga operators ng mga pampublikong sasakyan sundin pa rin ang itinakdang health protocols.
Samantala, patuloy namang nakikipag-ugnayan ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga lokal na pamahalaan para sa biyahe ng mga provincial busses papasok at palabas ng Metro Manila.
Saad pa ni Libiran na noong nakaraang buwan ay nagkaroon ulit ng consultation meeting ang LTFRB sa iba’t ibang LGUs.
Kakaunti pa lamang aniya ang mga probinsya na nagpahayag ng kanilang approval para sa pagbubukas ng kanilang borders dahil sa banta pa rin ng COVID-19 pandemic. (Josephine Patricio)