Advertisers
NASA P20 bilyon “institutional amendments” ang ipinasok ng Kamara sa P4.5-trillion General Appropriations Bill (GAB) para dagdagan ang pondong inilalaan para sa COVID-19 vaccine, mga manggagawang nawalan ng trabaho at internet connection sa mga pampublikong paaralan.
Sa isang virtual press briefing, sinabi ni House Committee on Appropriations Senior Vice Chairman Joey Sarte Salceda na natapos na ngayong araw, Oktubre 19, ang pulong ng binuong small committee, na inatasang tumanggap ng mga amiyenda sa 2021 proposed national budget.
Kaya naman kumpiyansa si Salceda na hindi magkakaroon ng reenacted budget sa susunod na taon.
Ayon kay Salceda, sa P20 billion, P5.5 billion ang inilalaan sa pagbili ng COVID-19 vaccine, P300 million para sa implementation ng mental health program at P2 billion naman sa Health Facilities Enhancement Program (HFEP).
Kabilang sa institutional amendments na kanilang ginawa ang P4 billion budget allocation sa Tulong Panghanap Buhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program ng Deparmtent of Labor and Employment (DOLE) at P2 billion naman para sa Department of Social Welfare and Development para tulungan ang mga pamilyang apektado ng pandemya.
Aabot naman sa P1.7 billion ang dagdag sa pondo ng Department of Education (DepEd) para sa internet connection ng mga pampublikong paaralan.
Dagdag pa ni Salceda, P100 million naman ang dagdag na pondo na ibibgay para sa Energy Regulatory Commission at P400 million sa Philippine National Oil Co. para sa renewable energy at energy sufficiency programs.
Karagdagang P2 billion naman ang ibibigay sa Philippine National Police-Department of Interior and Local Government at P2 billion din para sa Armed Forces of the Philippines na gagamitin sa pagbili ng dalawang C-130 na eroplano. (Josephine Patricio)