Advertisers
KAPWA kritikal sa pagamutan ang isang bagitong pulis at isang drug suspect nang mauwi sa engkuwentro ang buy-bust operation sa Barangay Zapote 2, Bacoor City, Lunes ng gabi.
Nagtamo ng dalawang tama ng bala sa dibdib at kamay si Patrolman Mark Paolo Quizon, nakatalaga sa Intelligence Unit ng Bacoor City Police; habang nasapul ng bala sa kamay ang isa sa mga target na drug suspects na si Alberto Cezar.
Sa ulat mula sa tanggapan ni Cavite Provincial Police Office director Colonel Christopher Olazo, 2:30 ng hapon nang magkasa ng drug bust ang intelligence group ng Bacoor Police laban kina Cezar at Eugene Palicpic, kapwa nasa hustong gulang at kilalang mga tulak ng droga sa nasabing lugar.
Sa nasabing operation, papasok palang sa lugar ang grupo nang salubungin sila ng sunud-sunod na putok mula sa mga suspek, kungsaan tinamaan si Patrolman Quizon.
Kahit duguan, nagawa pa ni Quizon na gumanti ng putok at tinamaan niya sa kamay si Cezar.
Sa kabila nito, duguang nagtatakbo si Cezar at kasama nito. Pero nakorner ito ng mga humabaol na pulis, habang nakatakas ang kasama nito.
Narekober sa lugar ng engkuwentro ang isang caliber .45 na may serial number 1546340, dalawang basyo ng bala ng caliber .45, pitong basyo ng bala ng caliber 9mm, isang transparent plastic sachet ng shabu na may 12 gramo at nagkakahalaga ng P81,600, at drug paraphernalias.