Advertisers
MAHIGPIT na ipapatupad ng Philippine National Police (PNP) ang “no plate, no travel” policy sa buong bansa.
Ito ang binigyang diin ni PNP Chief, General Benjamin Acorda Jr., sa isinagawang command conference nitong Linggo.
Ayon kay Acorda, sa pamamagitan ng Highway Patrol Group (HPG), mahigpit na babantayan ang mga motoristang gumagamit ng sasakyan na walang plaka.
Sa pamamagitan din aniya nito, partikular na matututukan din ang mga motorsiklo na walang plaka na nagagamit sa krimen.
Nilinaw ni Acorda na hindi exempted sa polisiya ang mga pulis.
Ayon sa PNP Chief, kailangang matutong sumunod ang lahat sa batas.
“Anyone of our personnel who will be caught doing this unlawful act will face the appropriate administrative and criminal charges,” ani Acorda
Dapat aniyang maging ehemplo ang PNP sa publiko at mapanatili ang respeto.
Magkakaroon din ng koordinasyon ang PNP sa Land Transportation Office (LTO) upang tuluy-tuloy ang implementasyon ng “no-plate, no-travel” policy.
Sa ilalim ng “no-registration, no-Travel” policy na nakapaloob sa 2015 Joint Administrative Order na inisyu ng Department of Transportation and Communication (DOTC) at LTO, ang lahat ng motorsiklo na bibiyahe ay kailangan na may balidong plate number.
Papatawan ng multang P10,000 ang may-ari ng unregistered motorcycle habang P1,000 naman sa driver ng motorsiklo. (Mark Obleada)