Advertisers

Advertisers

Jode, Bokbok at Quiroz “bagyo” sa PNP Chief?

0 1,188

Advertisers

HINDI matinag-tinag ng kapulisan ang namamayagpag na loteng, EZ2 at Pick 3 operation nina Jode sa Navotas at Mario Bokbok sa Malabon, gayundin ang lantarang operasyon ng pergalan (perya at sugalan) ni alyas Quiroz sa Caloocan.

Ang pasugal na loteng ni Jode na dinagdagan pa ng EZ2 at Pick 3 bookies sa Navotas at Mario Bokbok sa Malabon ganun din ang kunwaring tradisyunal na perya na hinaluan ng color game, beto-beto, cara y cruz, drop ball, skylab at iba pang iligal na sugal ni Quiroz sa Caloocan City ay hindi hinuhuli ng metro cop sa takot na sila’y mapagalitan at mapunta sa kangkungan.

Sino nga ba naman opisyales ng kapulisan at ordinaryong pulis ang di maaandap kina Jode, Bokbok at Quiroz gayong bukambibig ng mga naturang gambling operator ang pangalan ng PNP Chief, kaya walang maglakas loob na salingin ang kanilang ilegal na negosyo.



Pero maaaring ginagamit lang ng tatlong kolokoy na gambling maintainer na mga ito ang tanggapan ng PNP Chief para pangtaboy sa mga pulis na nagbabalak guluhin ang kanilang “tabakuhan”. Pero magkaganun paman ay hindi dapat maging kampante ang PNP Chief dahil binabalahura ang kanyang pangalan ng mga nabanggit na iligalista.

Suhestiyon natin ay ipalusob ni PNP Chief, General Benjamin Acorda, sa kanilang Regional Special Operation Group (RSOG) ang Loteng, EZ2 at Pick3 bookies operation nina Jode sa siyudad ng Navotas, Bokbok sa Malabon City na deka-dekada nang nag-ooperate sa naturang mga lungsod at ang pergalan ni Quiroz sa Tala (Malaria) Caloocan City.

Kontrolado ng ex-barangay kagawad na si Jode ang kubransa ng Loteng, EZ2 at Pick 3 bookies sa 18 barangay ng siyudad ni Mayor John Rey Tiangco, ngunit pinakamalakas ang kubransa nito sa mga squatter area ng Navotas, gayundin sa Brgy. Sipac-Almacin kung saan niri-rebisa ang mahigit sa P.5 milyong kubransa kada bola, tatlong beses bawat araw, sa isang bahay sa Brgy. Sipac-Almacin din.

Ngunit ang nakapagtataka ay kung bakit simula nang umupo si Gen. Acorda ay hindi niya pinapa-raid sa kanyang mga operatiba ang pinagkukutaan ni Jode, na hindi lamang doon itinatago ang naiipong halos ay P2M bet collection kada araw, kundi maging mga high-powered at di lisensyadong baril ng mga bayaran nitong goons?

Batay pa sa ating mga KASIKRETA, may mga “basura” o shabu din sa rebisahan ni Jode pagkat karamihan sa mga kabo nito ay kilala ring drug pushers, kaya hindi dapat na ipagwalang bahala ito ni Gen. Acorda.



Si Mario Bokbok naman, bukod sa nagpapatakbo ng Loteng, EZ2 at Pick 3 bookies sa lungsod ni Mayor Jeanie Sandoval ay may mga tagong saklaan din sa mga barangay ng Jacinto, Flores, Muzon, Dampalit at Catmon.

Dalawang bahay ang gamit nitong rebisahan, ang isa ay sa Road 26, Brgy. Dampali;t at ang isa pa ay sa bahay ng isang barangay leader sa Brgy. Catmon kung saan nirerebisa ang bet collection na halos ay may P1M kada bola ng kanilang paloteng, EZ2 at Pick 3 bookies. May saklaan din ito sa dalawang barangay na kabilang sa pinaka-matataong lugar sa Malabon.

Nang maupo si Mayor Sandoval noong July 1, 2022 agad nitong ipinatigil ang operasyon ng Loteng, EZ2 at Pick3 pati na ang sakla den ni Bokbok, ngunit hindi nagtagal ay nag-operate na naman ito sa tulong ng isang ex-congressman na malapit kay Mayor Sandoval.

Maraming pergalan naman sa Bulacan at iba pang lalawigan ng Region 3 ang big-time gambling operator na si Quiroz, ngunit nang magkaroon ng iskandalo sa nagpapakilalang tong kolektor ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa nasabing rehiyon ay lumipat ito kasama ang kanyang alalay na si Peter, sa nasasakupan ni Caloocan City Mayor Gonzalo Dale “Along” Malapitan at sa mataong Brgy. Tala (Malaria) ang mga ito nakapaglatag ng mga pasugalan.

Naging padrino ni Quiroz ang isang “kapatid” ng religious sect sa tanggapan ng Caloocan City Police na miyembro din ng malaking kapatirang pangrelihiyon para makapwesto sa pinag-aagawang pwestuhan ng pergalan sa Brgy. Tala kungsaan napakalakas ang tayaan sa mga color game, beto-beto at iba pang labag sa batas na table at card game. Abangan ang karugtong…

***

Para sa komento: Cp. No. 09664066144.