Advertisers
TIMBOG ang tatlong e-sabong operators sa magkahiwalay na anti-illegal gambling operations sa Tondo, Maynila, Sabado ng gabi.
Dinakip ng mga operatiba ng National Capital Region Police Office – Regional Special Operations Group (NCRPO-RSOG) ang mga operator sa magkahiwalay na lugar sa Parola Compound, kungsaan talamak ang pustahan sa e-sabong.
Unang sinalakay ang pasugalan ng 2 babae bandang 6:00 ng gabi. Nasamsam dito ang halos P7,000 taya at nahuli ang isang bettor.
Ni-recruit umano ng kakilalang pulis ang mga naaresto.
“Base sa alegasyon nila… pulis ‘yong kumakausap sa kanila. Aalamin namin, kukunin namin ‘yong details. I-background check namin kung gaano katotoo,” sabi ni Major Nazareno Emia, officer-in-charge ng NCRPO-RSOG.
Nakikipag-ugnayan narin ang NCRPO-RSOG sa Philippine National Police Anti-Cybercrime Group para ma-take down ang website na ginagamit sa e-sabong.
Nabatid na ang website ay legitsabong.com na ino-operate ng Sabong Worldwide (SWW) na nag-ooperate mula 8:00 ng umaga hanggang 2:00am araw-araw, kahit holidays.
Pasado 6:00 ng gabi rin nang mahuli ang isang lalaking operator at isang mananaya sa hiwalay na lugar sa Parola. Higit P5,000 ang nasamsam na taya sa operator.
Ayon sa operator, gipit lang siya kaya tinanggap ang trabaho kahit alam niyang ilegal ito.
Isinailalim na sa inquest ang mga suspek nitong umaga ng Linggo. Mahaharap sila sa paglabag sa Presidential Decree No. 1602, Anti-Illegal Gambling Law kaugnay narin ng Cybercrime Prevention Act of 2012.
Ang e-sabong operations ay mahigpit na ipinagbabawal sa Executive Order No. 9 ni Pangulong “Bongbong” Marcos, Jr.