Advertisers
UMABOT na sa 1.5 kilometers ang haba ng “napakabagal” na pagbuga ng lava mula sa summit dome ng Mayon volcano sa kahabaan ng Mi-Isi Gully, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Pahayag ng PHIVOLCS, na hanggang alas-12 ng umaga umaagos ang lava sa kahabaan ng Mi-Isi (south) at Bonga (southeast) Gullies.
Nabatid na ito ang ikapitong magkakasunod na araw kung saan nagkaroon ng lava effusion ang bulkang Mayon sa Albay.
Ang pagguho ng lava sa Mi-Isi at Bonga Gullies ay umabot din sa 3.3 kilometro mula sa bunganga.
Tatlong volcanic earthquakes, 274 rockfall events, at 11 pyroclastic density current events ang naitala rin ng PHIVOLCS sa nakalipas na 24 na oras.
Samantala, halos 20,000 residente sa Bicol Region ang inilikas sa gitna ng patuloy na pag-aalburuto ng Bulkang Mayon, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Batay sa pinakahuling situational report ng NDRRMC, nagpakita na 19,062 indibidwal o 5,492 pamilya ang kasalukuyang nananatili sa 28 evacuation centers, habang 1,057 indibidwal o 300 pamilya ang naghahanap ng tirahan sa labas ng mga evacuation center.
Wala namang naiulat na nasawi o nawawalang tao sa ngayon, ayon sa NDRRMC.