Advertisers
TINIYAK ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na patuloy na magdodoble-kayod ang kanyang administrasyon hanggang sa wala nang nagugutom na Pilipino at nakakatamasa ng magandang buhay ang bawat isa.
Ayon kay PBBM, ibinibigay niya ang pinakamagagandang serbisyo sa mga Pinoy bilang pasasalamat sa patuloy na pagtitiwala at kumpiyansa sa pamahalaan.
“With the local government focusing on all aspects of your daily life that we have identified in the national agenda, we can look forward to a boost in local businesses, improved daily transactions, and an overall better quality of life,” wika ng Pangulo sa isang event sa Mindanao.
Sa kasalukuyan, isa sa mga layunin ng gobyernong Marcos ay ang pag-alis ng gutom na nangangailangan ng malaking pagsisikap, isa na rito ang food stamp program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Tumutulong din ang National Anti-Poverty Commission (NAPC) at iba pang ahensya sa isinusulong na whole-of-government approach laban sa kahirapan.
“Muli, uulitin ko ang aking pagpasalamat sa inyong suporta at tulong at pag-alala sa nakaraan. Huwag sana po kayong magsawa at kami naman ang aming isusukli sa inyong pagmamahal ay ang aming pawis na hindi mauubos hangga’t masasabi natin tapos na ang trabaho, hangga’t masasabi natin wala nang gutom na Pilipino,” wika niya.
Maliban sa pagdalo sa 56th founding anniversary ng Davao del Sur, pinangunahan din ng Pangulo ang inagurasyon ng Davao City Coastal Bypass Road (DCCBR) Segment A.
Kasama rin sa mga dumalo si Vice President at Education Secretary Sara Duterte at iba pang kawani ng gobyerno.
Samantala, inihayag ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na ang mga programang pang-ekonomiya ng administrasyon ay makatutulong sa pagtataguyod ng kapakanan ng bawat mamamayan at pagpapaunlad ng kabuhayan sa bansa.
Aniya, nais matiyak ng Pangulo na mapoprotektahan ang mga mahihirap at vulnerable sectors, hindi lamang laban sa mga sakuna at kalamidad, kundi maging sa epekto ng mataas na presyo ng mga bilihin.
Isa sa mga direktiba ng punong ehekutibo sa DSWD chief ay gawing simple at ilapit sa tao ang ayuda ng gobyerno. (Gilbert Perdez)