Advertisers
INAASAHAN ng gobyerno na maisasakatuparan ngayong taon ang humigit-kumulang US$88 milyon na pamumuhunan bilang resulta ng mga paglalakbay ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa ibang bansa, sinabi ni Trade Secretary Alfredo Pascual nitong Miyerkules.
Sa detalye ng buod ng mga pamumuhunan, sinabi ng Trade chief na ang mga negosyong may anim na proyekto ay nakarehistro na sa Board of Investment (BOI) o iba pang ahensya ng pagsulong ng pamumuhunan.
Ayon kay Pascual, mayroong anim na klasipikasyon simula sa kumpirmadong investment na hindi sakop ng MOU o LOI at nasa mga yugto pa ng pagpaplano, nilagdaan ang MOU at LOI, at nilagdaan ang kasunduan na may malinaw na halaga ng proyektong pinansyal.
Ang iba pang kategorya ay ang mga negosyong ginawa o nakarehistro sa BOI o ibang ahensya sa pagsulong ng pamumuhunan at mga rehistradong negosyo na nagsimula na ng kanilang operasyon sa bansa.
Sa tanong ng mga mamamahayag tungkol sa pagiging mabili ng Pilipinas sa mga dayuhang mamumuhunan, sinabi ni Pascual na madaling maengganyo ang mga mamumuhunan sa kasalukuyan dahil sa mga repormang isinagawa kamakailan ng pamahalaang Marcos.
Kabilang sa mga panukalang ito sa reporma ay ang pag-amyenda sa Public Service Act; Foreign Investment Act; Retail, Trade Liberalization Law; ang pagpasa ng CREATE Act; at, ang pagluwag ng mga paghihigpit sa pagmamay-ari para sa mga nababagong enerhiya. (Vanz Fernandez)