Advertisers

Advertisers

Sen. Revilla gigisahin ang DPWH at MMDA sa malawakang pagbaha: “Saan n’yo dinadala ang bilyon-bilyong pondo sa flood control?”

0 117

Advertisers

NAKATAKDANG gisahin ni Senador Ramon “Bong” Revilla, Jr. si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel M. Bonoan at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairperson Romando S. Artes dahil sa hindi maresolbang pagbaha sa iba’t ibang bahagi ng bansa tuwing umuulan.

“Nakakapikon na itong sitwasyon natin na sa tuwing uulan ay palagi nalang tayong baha, samantalang napakadaming proyekto at bilyon-bilyon ang ginagastos para masawata ang pagbaha, pero ganun parin at paulit-ulit. We must sit down and, once and for all, come up with workable and effective solutions,” wika ni Revilla, chairman ng Senate Committee on Public Works Chairman.

“Ipapatawag natin si Sec. Bonoan at Chair Artes dahil dapat mabigyan ng sagot ang malaking katanungan nating lahat kung bakit sa kabila ng maraming taon na lumipas na sinasabi na may ginagawa ang dalawang ahensya tungkol sa baha, eh patuloy pa rin tayong binabaha,” giit pa ng senador.



Sinita rin ni Revilla ang dalawang ahensiya na tila hindi epektibo ang mga flood control programs na grabeng pinagkakagastusan mula sa pondo ng pamahalaan para sa naturang programa.

Batay sa annual General Appropriations Act mula 2019 hanggang 2023, ang DPWH ay tumanggap ng kabuuang P594.62 bilyong appropriation para sa flood control program, habang ang sa MMDA ay P6 bilyon.

Dismayado rin si Revilla sa DPWH at MMDA dahil sa palagi na lamang naglalabas ng press release sa tuwing lumulubog ang bansa sa baha.

“Hindi na paliwanag ang kailangan ng taumbayan, ang kailangan natin ay aksiyon, solusyon at hindi anesthesia para hindi maramdaman ng publiko ang hirap sa pagbaha dahil lamang sa hindi matukoy ang problema,” dugtong pa ni Revilla. (Mylene Alfonso)

style="display:block" data-ad-client="ca-pub-7020468026123536" data-ad-slot="5705765747" data-ad-format="auto" data-full-width-responsive="true">