Advertisers
Ni ROMMEL PLACENTE
NAG-VIRAL at trending pa sa social media ang naging hirit ng beteranong news anchor na si Noli de Castro sa closing spiels niya sa “TV Patrol” noong July 28, tungkol sa pagpapakasal nina Maine Mendoza at Arjo Atayde habang nananalasa ang bagyong Egay sa Baguio City.
“Kayo habang kinakasal, kawawa naman ‘yung mga binabagyo,” comment ni Noli.
Kaliwa’t kanang batikos ang inabot ni Kabayan nang dahil dito. Napakabastos at wala raw sa lugar ang naging pahayag ng broadcaster kaya sana raw ay mag-sorry ito kina Arjo at Maine at sa publiko.
Nang makarating din ito kay Joey de Leon, na isa sa ninong sa kasal nina Arjo at Maine, ay sinupalpal nito si Noli.
Nag-post ang TV host-comedian sa social media platform na X, ang tawag ngayon sa dating Twitter, tungkol sa mga umeepal na nagsabing hindi raw dapat nagpakasal sina Maine at Arjo sa kasagsagan ng bagyong Egay.
Mababasa sa X post ni Joey kalakip ang wedding photo ng ArMaine ang mga katagang, “Sa mga kababayan nating ume-epal na hindi raw dapat nagpakasal ang dalawang ito dahil binabagyo raw ang bayan, eto lang ang masasabi ko—naunang nagplano sina Menggay kaysa kay Egay!
“Wala silang kasalanan kundi ang unang limang letra ng ‘kasalanan’—KASAL!” ang hirit pa ni Joey.
Bukod dito, nagsalita rin ang movie icon sa programa nilang “E.A.T.” sa TV5 habang nagbibigay ng congratulatory message sina Vic at Tito Sotto, Maine at Arjo.
“Mayroong mas malala kay Egay, yung epal, kaya mag-ingat kayo,” ang tila pagbabanta pa ni Joey.
Walang binanggit na pangalan si Joey sa kanyang social media post at sa E.A. T, pero naniniwala ang mga netizens na para kay Noli talaga ang mga patutsada niya.
***
IKAKASAL na pala sina Abby Viduya at Jomari Yllana. Ito ang sinabi ni Abby sa isang interview sa kanya. Sa November ng taong kasalukuyan magaganap ang pag-iisang dibdib ng dalawa.
Ayon kay Abby, isang civil wedding muna sa America ang magiging kasal nila ni Jomari.
“We’re going to Vegas. We’re gonna pull-off a JLo and Ben Affleck wedding. Kasi, gusto namin na kami lang dalawa at first.”
Pero hanggang sa wedding month lang ang detalyeng maibabahagi nila ng fiancé, at yung actual date ay pribado na muna.
Ang ilang miyembro ng pamilya nila at mga kamag-anak, lalo na sa parte ni Abby na nakatira na sa U.S., ang isa sa dahilan kung bakit naisipan nilang mag-civil wedding muna sa Las Vegas.
“A few of our family members will be joining us there, like my daughter. My eldest daughter will be joining us in Vegas and some of Jom’s relatives.
“By next year or early 2025, we will have our church wedding in Naga City, where his parents got married, in Peñafrancia Church.”