Advertisers

Advertisers

SITAHIN ANG MALI TUUNAN ANG TAMA

0 8,757

Advertisers

ANG kabukasan sa pagsasabi ng nakikita’y kailangan ng ituwid ang pagkakamali at ikasiya ang tama. Hindi paghahanap ng kahinaan ang pagsasabi ng bagay na magpapataas sa uri o kalidad ng gawain o serbisyo higit para sa bayan. Ngunit hindi ipininid ang mata’t bibig sa parehong dahilan ng ang magandang gawa’y papuri ang katapat higit sa nagseserbisyo ng tapat. Ang pagbabalanse sa anumang bagay-bagay ang kinasisiya ng sino man higit ni Mang Juan na siyang nais paglingkuran ng halal ng bayan. Sa totoo lang, nariyan ang mga politiko na patuloy na gamit ang salitang paglilingkod kuno sa bayan ng tumagal sa pwestong pinatangan. Alam na ni Mang Juan ang dahilan, ang kakapalan ng lukbutan. Sa kabilang banda, marami sa mayamang pamilya ang namumuhunan upang makapasok sa serbisyong bayan ng itulak ang malaking pagnanais na dumami’t lumago ang negosyong tangan

Sa kaganapan sa bansa may pamilyang tumutulay sa magkabilang panig ng panlililo, ang politika at negosyo. Ang mga pamilyang ito’y nakikipagnegosyo sa mga dayuhan upang maglagak ng kapital sa bansa. Gamit ang koneksyon sa politika ang puhunang ipinangangalandakan ng makumbinsi ang dayuhang makakasosyo sa negosyo. Ang paglalabas ng perang kapital pangalawa lamang dahil tunay na aasahan ang dayuhan ang nangunguna sa larangang ito. Ang impluwensya ng pwestong tangan sa pamahalaan ang higit na kailangan upang maitayo ang negosyong magdadala ng kasaganahan ng pamilya. Walang usapin na hindi magagawa lalo’t ang lahi’y nakaupo sa pedestal ng gobyerno, higit sa lahat ng mahalagang pwesto sa pamahalaan.

Ang pwestong tangan sa pamahalaan ang puhunan na hanap ng maraming negosyante upang maisulong ang nais na negosyong itatayo sa bansa. Kung pagkaibig sa negosyong paghukay likas yaman sa mga kabundukan ng bansa, umaasa na tatalima ang Kagawaran ng Kalikasan. Walang hindi mapapagalaw dahil sa pwestong tangan na maaaring imbestigahan ang sino man. At dito masasabing nasa mabuting kamay ang negosyong itinatayo. Maliit na bagay ang pagkuha ng mga lisensya o dokumento sa negosyong pasukan at mabilis na masimulan. Marami ang nagtatayo na tila isang instant Negosyo. Na sa kinabukasan pag dilat ng mata’y nagdadatingan ang mga gamit na kailangan. Agad sisimulan ang kabuhayan, siyempre kalakip ang gayla sa mga bulag na opisyal.



Tanda ni Mang Juan ang negosyong biglang sumibol sa lalawigan ng Romblon. Nabigla ang mga tao sa lalawigan higit ang sa Munisipalidad ng Sibuyan ng walang kaabog-abog ay hinuhukay na ang isla sa ngalan ng pagmimina. Nabigla ang mga Sibuyano sa kaganapan ngunit hindi nagsawalang kibo at kinatok ang pamahalaan na may maling nagaganap sa lalawigan. Ginising ang kalihim ng Kagawaran ng Kalikasan at naabot ang maling kaunlaran na ibig ng iilan sa lalawigan. Inaral at ipinakita sa kagawaran ang epekto kung magpapatuloy ang paghuhukay sa lalawigan ng Romblon. Sa pagpapaabot ng may pag-aaral sa nangyayaring pagmimina, maganda ang naging pagtanggap ng Kagawaran at ipinatigil ang ginagawang pagmimina. At sa totoo pa rin, tama ang pagtuon sa usapin na bumulabog sa Kagawaran. Sa pagkakasita sa kamalian ng negosyong itinayo sa lalawigan, mabilis ang paggalaw ng kagawaran at ipinatigil ang paghuhukay sa Sibuyan. Ang maganda dito, tila dumistansya ang senador na anak ng nagmamay-ari ng pagmimina. O’ sadyang humakbang ng isa pabalik at hahakbang ng lima pasulong sa mas malaking negosyo?

Umiinog ang panahon, ang paghakbang na isa pabalik at limang hakbang pasulong ay tila magkakatotoo sa bagong negosyong nais pasukan ng pamilya ng isang senador na nagmamay-ari ng sikat na hotel sa kaBisayaan. Tila ibig magkaroon ng bagong hotel o sa malapit sa Dolomite Bay bagay na binabangit sa itaas. Subalit, hindi umaayon ang pagkakataon sa negosyanteng kahawig ni Limahong. Sa pag-iingay ng ibang senador na naglabas ng datos hinggil sa ibig ng pamilya ni Limahong na ipa-reclaim ang ilang bahagi ng lugar para sa negosyong nais. Sa nabangit na pag-iingay, umaksyon at pumuntos muli si Boy Pektus, ipinatigil ang anumang reclamation sa bansa. Ibig ni Boy Pektus na pag-aralan ang lahat ng anggulo ng proyekto hinggil sa reclamation, higit ang epekto nito sa kalikasan sa lugar.

Sa totoo lang, maganda ang mga tindig ni Boy Pektus sa mga nakalipas na mga buwan na masasabing nakikinig ito sa mabuting mungkahi para sa bansa. Mainam na bukas ang tainga’t makinig sa mungkahing may tuwirang epekto kay Mang Juan. Natuwa si Mang Juan sa tindig na ipinamalas ni Boy Pektus, higit sa kagalingang pangmatagalan. At sa pamahalaan, umasa na magpapatuloy si Mang Juan na isisiwalat ang ano mang kamalian lalo’t negatibo ang epekto sa kalikasan at sa bayan. Walang personalan na sisitahin ang mga salang gawa na ikapapahamak ng marami. Ngunit hindi maramot ang bayan na iparating ang papuri sa sino man dapat papurihan. Hindi magdadalawang isip na tuunan at sabihin ang tama’t magandang nagagawa.

Sa totoo lang, walang ibang layon si Mang Juan kundi ang pakinabang pambayan. Ang pagmumulat ng bayan tanging nais na magawa upang makita ng nasa pamahalaan. Ang pagsasabi o pagsita sa kahinaa’y huwag ikagalit higit gawing tuntungan sa gawang kabutihan. Ang hindi pagyuko sa mga mainit na laban kahit sa sino man sa pamahalaan ang sandata tangan upang maiparating ang tamang galaw na inaasahan sa mga halal ng bayan.

Sa mga pulitiko at lider ng bayan, pansamantala ang pwestong inatang at huwag samantalahin. Ang pagmamalabis at gawing kapital sa anumang pansariling layon higit sa negosyo ng ama, kapatid o sino mang kaibiga’y wag’ gawin upang makalamang. Tandaan na pansamantala lang ang lahat, kahit ang limpak limpak na salapi. Ngunit huwag mag-alala, hindi tulog si Mang Juan at ang bayan sa mabuting gawa at hindi magdadalawang isip na ipaabot ang kagalingan pambayan na ginawa.



Sa tindig ni Boy Pektus sa kasalukuyan, hindi nagtataka ang Batingaw ang pagdami ng humahanga at magiging kalaban na bubuhay sa Alamat ng kalokohan. Ang pagtutol sa mga proyekto na may tama sa iilan higit sa may ambisyon sa hinaharap ang sugal na may panalo sa kinabukasan. Hindi malimutin si Mang Juan higit sa mabuting gawa na magliligtas sa kinabukasan. Tutugunan ang tamang gawa na magbubura sa nagawa sa nakaraan. At sana’y bawasan ang pagkamal sa yaman ng bayan at alisin ang Intelligence at confidential fund ni Inday Sapak na ‘di naman kailangan sa kagawarang pinamumunuan. Umasa na sisitahin ang kamalian at tuunan ang tama sa kinabukasan.

Maraming Salamat po!!!