Advertisers
NASAWI ang 15 katao sa first alarm fire sa isang tahanan na ginawang t-shirt manufacturing establishment sa Kennedy Lane, Tandang Sora, Quezon City nitong Huwebes ng umaga.
Kinilala ang mga nasawi na sina Michael Cavilte, 44, ang may-ari ng tindahan; asawa nitong si Maria Micaela Barbin, 23; at anak na si Erica Scarlet; mga trabahador na sina Wilmar Ritual, 25; Raffy Barrientos, 25; Julius Abarca, 20; Alfred Manuel, 23; Jayson Dominguez, 45, driver; Carmina Abalos, 22, quality checker; Teresa Cruz, 25, printing staff; Miya, 20; Irene, 25; Clarise Encado, 25; Dianne Lopinal, 24, quality checker; at Daisy, 30, stay-in helper.
Sinabi ni Fire Chief Supt. Nahum Tarroza, Bureau of Fire Protection-National Capital Region, na sumasailalim ito sa expansion nang magliyab. Aniya, posibleng ang mga kemikal na ginagamit para sa t-shirt printing ang mitsa ng mabilis na pagkalat ng apoy.
Ayon sa fire official, karamihan sa mga namatay ay stay-in workers.
Dalawang indibidwal ang nakaligtas nang tumalon ito sa bintana sa ikalawang palapag, habang nakatakbo palabas ng bahay ang isa pa.
Ayon kay Tarroza, natagalan ang pagresponde ng mga bumbero dahil sa naibigay na maling address. Naging hadlang din ang pagbaha sa ilang bahagi ng Quezon City upang agad na makataring ang mga fire truck sa lugar ng sunog. (Boy Celario)