Advertisers
KUNG dati ay itinatambak nalang ang mga kamatis sa probinsya dahil may oversupply at masyado nang mura — ngayon, tila mamumulubi ang bibili ng isang kilo nito.
Sa Murphy Market sa Quezon City, umaabot na sa P200 ang kada kilo ng kamatis, kaya naman pa isa-isang piraso na lang ang bili ng mga consumer.
“Ngayon lang siya tumaas nang ganyan kataas. Siyempre nagugulat, kasi dati pag mura, tumpok-tumpok nilang nabibili tas ngayon isang piraso 10 pesos, ganon kaya nagugulat sila. Dati 1/4, ngayon dalawang piraso na lang dahil sa taas ng price,” anang vegetable retailer na si Lanie Brucal.
Base sa Bantay Presyo ng Department of Agriculture, naglalaro ang presyo nito mula P160 hanggang P210 sa ngayon.
Kuwento ng mga nagtitinda, nagsimula nang tumaas ang presyo noong isang linggo, pero tumaas ito ng todo nitong nakaraang 2araw.
Nitong Abril lang, ipinamimigay nalang nang libre ang mga kamatis sa ilang lalawigan gaya ng Nueva Vizcaya. Ngayon, dumadaing ang mga tao dahil sa taas ng presyo nito.
Paliwanag ni Gilbert Cubila, General Manager ng Nueva Vizcaya Agricultural Terminal, tumaas ang presyo ng kamatis dahil dumadagsa ang mga buyer doon.
Naapektuhan kasi ang mga taniman nito sa Mindoro, at ibang bahagi ng Luzon. Hindi pa agad nakikitang bababa ang presyo ng kamatis.
Tinitingnan na ng Department of Agriculture kung paano masosolusyunan ang issue. (Mula sa ABS-CBN News)