Advertisers
HINIMOK ni Deputy Majority Leader at Iloilo First District Representative Janette Garin ang gobyerno na tingnan ang mga dahilan ng mataas na bilang ng kaso ng child exploitation para sa pagkamal ng salapi na nagaganap online sa Pilipinas.
Ito ang sinabi ni Garin matapos ibunyag ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na pumapangalawa ang Pilipinas sa mundo sa isyu ng online sexual abuse and exploitation of children (OSAEC).
“This is alarming. Edukasyon ang dapat ibinibigay sa mga bata at hindi dapat ganito ang nararanasan nila. We need to look into why the Philippines seem to be an easy target,” ani Garin.
Binigyang-diin ng mambabatas na dapat kumilos ang gobyerno sa sitwasyon ng child exploitation kung saan maraming bilang ng menor de edad na ang nagiging biktima ng iligal na operasyon.
Sinabi ng vice chairperson ng House appropriations committee na mahalagang magbigay ng buong suporta sa Department of Justice (DOJ) upang matukoy at mahuli ang mga may kagagawan ng ilegal na gawain.
Nauna rito, sinabi ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Ivan John Uy na kulang sila umano ng mga kinakailangang kasangkapan upang matukoy ang mga may kagagawan sa nasabing krimen.
Ipinahayag din ni Garin ang kanyang pasasalamat kay House Speaker Martin Romualdez sa agarang pagtugon sa isyu at kanyang pangako na pondohan ang National Coordinating Center against OSAEM and CSAEM. (Henry Padilla)