Advertisers

Advertisers

Gob. Oaminal: ‘Peace and Order’ ang nagpaunlad sa MisOcc

0 66

Advertisers

MULA sa pagiging lugar na talamak sa mga krimen sa Mindanao, ibinahagi ni Gobernador Henry S. Oaminal ang tagumpay ng mga inisyatibo sa peace and order sa Misamis Occidental na bumago dito para maging isa sa mga nangungunang lalawigan sa Northern Mindanao pagdating sa kaunlaran.

Sa isang panayam, ibinahagi ni Gob. Oaminal ang milestones ng pag-unlad ng lalawigan na nakamit nito sa loob ng isang dekada lamang, tulad ng sa imprastraktura, trabaho, at ekonomiya.

Ngunit bago matupad ang pagbabago sa Misamis Occidental, inalala ni Gob. Oaminal ang nakaraang sitwasyon ng kriminalidad dito na isang “parte ng aming kasaysayan na puno ng hamon,” buhat ng krimen, pagrerebelde, at maging ang terorismo.



Muntik pang maging “drug at organized crime capital ng Mindanao,” ang lalawigan kung hindi sa pagpapalakas ng peace and order initiatives dito, aniya. Mula sa banta ng karahasan at krimen dahil sa Kuratong Baleleng Gang na naging kilala dito, nariyan din ang pagkakataon ng sagupaan dahil sa presensya ng mga rebelde.

Ayon sa Gobernador, ang pagbabago sa lalawigan ay dahil umano sa kooperasyon ng mga lokal na pamahalaan o LGU sa mga inisyatibo sa pagpapatibay ng law enforcement efforts, at pati na rin sa polisiya ng administrasyon ng dating Pangulo Rodrigo Duterte.

“Ngayon, malaya nang nakakalabas ang mga Misamisnon nang walang takot sa mga masasamang elemento,” ani Gob. Oaminal. Ayon sa kaniya, natutupad rin nito ang isa sa mga pundasyon ng kaniyang platapormang 5M—ang “Misamisnon Magpuyong Malinawon Malambuonug Malipayon,” o “Misamisnon Mabuhay ng Payapa, Maunlad, at Masaya.”

Ngayong nababantayan na ang kriminalidad sa lalawigan, tuloy-tuloy na ang pagsulong Misamis Occidental, masayang ibinahagi ng gobernador. Mas maraming negosyo ang itinatayo, aniya, at “ang mga oportunidad sa trabaho na buhat nito ay mas gumaganda rin.”

Mula sa pagiging isa sa mga mahihirap na lalawigan, nagtala ang Misamis Occidental ng “katangi-tanging pagbabago sa poverty incidence sa mga pamilya,” ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA)—mula sa 32.7% poverty incidence noong 2018, ito ay naging 23.3% noong 2021. At ayon naman kay Gob. Oaminal, patuloy pa itong bumaba kamakailan sa 18.30%



Isang malaking dahilan din sa kaunlaran ng probinsya ang mga pampublikong imprastraktura, ayon sa gobernador. “Mas binigyang-pansin namin ang pagpapaganda ng mga kalsada,” aniya. At sa loob ng kaniyang tatlong termino sa kongreso, masayang ibinahagi ni Gob. Oaminal na ang mga municipal, provincial, at national roads dito ay 95% na kumpleto na. At dahil sa wastong pamamahala ng pondo, patuloy pang nakakapagtayo ng mga paaralan at health center para sa mga Misamisnon.

Ang mga inisyatibo sa peace and order ay patuloy na magiging isa sa mga prayoridad ng pamahalaang panlalawigan, ayon kay Gob. Oaminal, ayon sa kaniyang adhikain na “kung may kapayapaan, mayroong kaunlaran.”