Advertisers
INIHAYAG ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ilalabas nila ang desisyon sa panukala ng ilang transport group na itaas ang pamasahe at magbigay ng provisional fare increase sa mga pampublikong dyip sa Martes, Oktubre 3, 2023.
Kasunod ito ng inihaing petisyon ng iba’t ibang grupo na dagdagan ang pamasahe sa mga Traditional Public Utility Jeepney (TPUJ) at Modern Public Utility Jeepney (MPUJ) bunsod ng walang prenong taas-presyo ng mga produktong petrolyo.
Sa pagdinig nitong Huwebes, Setyembre 28, inatasan ng LTFRB na magsumite ng kanilang supplemental petition sa loob ng limang araw ang Pangkalahatang Sanggunian Manila & Suburbs Drivers Association Nationwide, Inc. (PASANG MASDA), Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP), at Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) upang maisa-pinal ang kanilang panukala.
Ito ay matapos linawin nina LTFRB Chairperson Atty. Teofilo Guadiz III, Board Member Engr. Riza Marie Paches, at Board Member Atty. Mercy Jane Paras-Leynes kung ang hirit ng mga nasabing grupo na P5.00 taas-pasahe sa kada unang apat na kilometro at P1.00 provisional fare increase ay para lamang sa mga TPUJ sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay Guadiz, kinakailangan munang magsumite ng pinal na petisyon ang mga naturang grupo upang mas maging malinaw kung anong uri ng pampublikong sasakyan at saang lugar nila nais ipatupad ang taas-pasahe.
Kinakailangan din aniya na makuha ng LTFRB ang komento ng mga stakeholder sa sektor ng mga komyuter at ng National Economic and Development Authority (NEDA) upang tuluyang makabuo ng desisyon ang Ahensya.
Kaugnay nito, hinimay din ng Ahensya ang petisyon ng Angat Tsuper Samahan ng mga Tsuper at Operator ng Pilipinas Genuine Organization (STOP & GO), Inc. at Federation of Jeepney Operators & Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) na P2.00 dagdag-pasahe sa mga TPUJ sa buong bansa.
Gayunman, kinumpirma ng mga nasabing grupo na iba’t iba ang halaga ng pasahe na nais nilang maaprubahan kung kaya’t aantabayanan pa rin ng LTFRB ang mga pinal na petisyon na ihahain ng mga grupo. (Àlmar Danguilan/Ernie dela Cruz)