Advertisers
NAGLABAS ng moratorium ang Malacañang hinggil sa pagkakaloob ng ranggong Career Executive Service (CES) sa graduates ng National Defense College of the Philippines (NDCP).
Batay sa Memorandum Circular No. 35 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin na may petsang Oktubre 2, sinuspinde nito ang Executive Order (EO) No. 145 na ipinalabas ni dating Pangulo Rodrigo “Digong” Duterte noong 2021 habang pinag-aaralan ang policy implications nito.
Ayon sa memo, ang suspensiyon ay iiral habang nagsasagawa ng konsultasyon sa stakeholders, kabilang ang NDCP, sa pangunguna ng Career Executive Service Board (CESB).
Sa ilalim ng EO ni Duterte, awtomatikong makakakuha ng ranggong CESO rank ang mga nagtatapos ng Master of National Security Administration (MNSA) program sa NDCP.
Subalit binigyang diin sa bagong memo ng Palasyo na may pangangailangang i-re-evaluate ang polisiyang ito upang matiyak na naaayon ito mga umiiral na batas at rules and regulations.
Kasabay nito, inatasan ang CESB na magsumite ng comprehensive report sa Office of the President sa pamamagitan ng Office of the Executive Secretary (OES) sa loob ng 60 araw kalakip ang mga rekomendasyon kung naaangkop tanggalin ang moratorium o kaya’y tuluyan nang bawiin ang EO 145. (Gilbert Perdez)