Advertisers
Ni BLESSIE K. CIRERA
DINAGSA ng mga artista, direktor, press at influencers ang red carpet celebrity screening nitong nakalipas na Oct. 3 ng Japanese drama film na Monster sa Cinema 2 ng SM Megamall.
Naispatan nating nanood sina Angel Aquino, Ara Mina, Bayani Agbayani at misis na si Lenlen, Dominic Ochoa, MC Muah, Tetay, JK Labajo, Mon Confiado, Ynez Veneracion, Alma Concepcion at iba pa.
Sey nga ng ilang stars, naibigan anya nila ang Monster dahil sa kakaibang mensaheng hatid nito sa kanila. Dinala ito sa bansa ng mag-inang Sylvia Sanchez at Ria Atayde katuwang si Lorna Tolentino matapos silang magkakasamang bumiyahe sa Cannes Film Festival sa France at napanuod ito.
Naibigan nila ang Monster kaya nagpasyang agad dalhin dito sa bansa at ipalabas. Ang nasabing pelikula ay hatid ng respetado at multi-awarded director na si Hirokazu Kore-eda at kinatatampukan ng mahuhusay na Japanese actors na sina Sakura Ando, Eita Nagayama, Soya Kurokawa, Hinata Hiragi, at Yuko Tanaka.
Makabagbag-damdamin ang pelikula na pupukaw sa atensyon ng bawat manonood. Ang istorya nito ay umiikot sa isang pamilya na humaharap sa pagsubok laban sa pambu-bully at sinusulong ang kahalagahan ng malusog na pag-iisip o mental health.
Tsika nga ni Sylvia, “Kakaiba ang pelikulang ito. Isa itong Monster sa talagang dumurog ng puso ko bilang isang ina.”
Sey naman ni Ria, “We are really aspiring and working very hard to offer cutting edge content that would challenge the minds and touch the hearts of viewers.”
“Dapat talagang ma-address natin ang laban sa bullying at ang pagpapalaganap ng malusog na pag-iisip para sa lahat ng tao, bata man o matanda,” pahayag naman ni Lorna.
Ang Monster ay lumaban sa Palm d’Or sa 76th Cannes Filmfest at naparangalang Best Screenplay.
Ipalalabas na ang Monster sa mga sinehan sa bansa sa Oktubre 11.