Advertisers

Advertisers

GILAS PILIPINAS, MISSION ACCOMPLISHED!

0 6

Advertisers

INILUBOG ang isla ng Bahrain, kinubkob ang palasyo ng Thailand, natuyuan ng largis ang Qatar, bumabaw ang Persian Gulf sa Iran, nagiba ang Great Wall of China at bumagsak ang kaharian ng Jordan sa pagresbak bago nahukay ang ginto ng tagumpay ng Gilas Pilipinas.

Higit sa anim na dekada na ang nakalipas nang huling mamina ng ‘Pinas ang Asian gold sa larangan ng basketball .

Labing-dalawang araw lang ang naging paghahanda upang mabuo ang isang dosenang mandirigma ng Gilas Pilipinas para sa mabigat na misyong mag-kampeon sa 19th Hangzhou Asian Games sa China mula na tumiklop na kahapon.



Ora-uradang binuo ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone katuwang sina deputies LA Tenorio at Richard del Rosario,Jong Uichico ang saladong ‘special forces’ pero hindi ganoon kadali dahil ilan sa kanyang pinili ay di pinayagan ng HAGOC ( Huangzhou Asian Games Organizing Committee) dahil sa teknikalidad.

Last minute bago tumulak pa-China ay nabuo rin ang Gilas Pilipinas at kahit na kulang sa ensayo at preparasyon ay handa na silang sumabak sa giyera kontra mga higante ng kontinente.

Pagsapit sa warzone ng best Asian athletes,kasama ang mga pambato ng Team Philippines, madalang pa sa patak ng ulan ang pag-ani ng medalya kung saan ay bronze lang ang nalalambat hanggang sa ika-8 araw ng pakikibaka ay nasungkit ang pambasag- rekord na gold medal ni Filipino pole vauter Ernest John Obiena ng athletics na nasundan din ng silver sa ibang event hanggang sa sorpresang ginto ni Meggie Ochoa sa jiujitsu na pangalawa ng Pilipinas.

Isa pang ginto ang makislap na inihandog ng beteranang combat fighter at her best na si Annie Ramirez.

Ang motibasyon ni coach Tim sa tropa, kelangang gumawa ng ekstra -espesyal para makamit ang gintong medalya. Ang panalo kahit na tambakan o isang punto lang aniya ay wagi pa rin.



Magaan ang panalo kontra Bahrain at Thailand, pero kinapos kontra Jordan sa kanilang laban para sa number one sa grupo na mukhang isang istratehiya upang makaharap ang mga bigatin ng mas maaga para magkaalaman na.

Matapos ang positioning win kontra Qatar, nakaharap ng Gilas Pilipinas ang powerhouse Iran sa quarters sa engkwentrong muntik nang bumigay ang mga Pinoy sa late rally ng Iranians pero nanaig ang tibay sa endgame ng Pinas sa pamumuno ni Justine Brownlee, 84-83.

Sumunod ang isa na namang ‘close shave’ na wagi ang naitatak ng Gilas Pilipinas nang gibain ng Pinoy ang moog na pader ng higanteng China ng ga-buhok,77-76 na nagpaiyak sa buong dinastiya ng mga Tsino kung saan ang ang higit 200 ginto daw nila sa ibang sports ay di hihigit sa isang cage gold tulad ng basketball- loving Pinoy na ang pinaka-makinang sa lahat ay ang ginto sa basketball.

Dalawang tres ni Brownlee, katuwang si Kevin Alas, Calvin Oftana ang bumali sa galugod ng Dragon upang umusad sa finals ang Gilas Pilipinas bitbit ang misyong makabawi kontra Jordanians na di pa natalo sa torneo bago ang kampeonato.

Nakumpleto ang resbak, nagtulong ang buong tropa para i- ground zero ang kaharian ng Jordan. Pumutok muli si Brownlee, hindi sinanto ni Chris Newsome kaagapay sa ilalim si June Mar Fajardo ang pambato ng kalaban na si Rondae Hollis Jefferson,ang hustle ni Scottie Thompson, katuwang sina , CJ Perez at endgame heroics ni Ange Kouame sa paint area para sa 70-60 golden victory.Nag- ambag din sa kampanya sina Japeth Aguilar,Chris Ross ,Arvin Tolentino at Marcio Lasitter.

Mission Accomplished!