Advertisers
HALOS wala pang 30 minuto lumusot sa Senate subcommittee on Finance at inendorso na sa pagtalakay sa plenaryo ang 2024 budget ng Office of the President (OP).
“There are no colleagues, that means, I think, they have a vote of confidence in your budget. So we will favorably endorse your budget for plenary consideration,” wika ni Senador Sonny Angara, chairman ng komite.
Sa budget presentation ng OP sa Senado, aabot sa P10.707 bilyon ang hinihinging pondo ng tanggapan para sa susunod na taon.
Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin, ang proposed budget ng OP ay isang porsyento ng kabuuang halaga ng 2024 national budget.
Ang nasabing pondo ay mas mataas ng 17.78 porsyento o P1.6 bilyon kumpara sa P9.091 bilyon na budget ng OP ngayong 2023.
Sa panukalang pondo ng OP sa 2024, pinakamalaki ang itinaas sa Capital Outlay na nasa 183.72 porsyento o P1.676 bilyon mula sa P590.794 milyon ngayong taon.
Ang malaking pagtaas sa pondo ng capital outlay ng OP ay alokasyon para sa renovation at rehabilitation ng mga pasilidad at pagtatayo ng mga support facilities sa Palasyo gayundin ang pagpapalit ng mga lumang sasakyan.
Samantala, humiling naman si Bersamin sa Senado ng ‘modest increase’ sa kanilang pondo para sa susunod na taon subalit ito naman umano ay dapat nakapaloob sa pamantayan ng mga naunang fiscal years. (Mylene Alfonso)