Advertisers
SUGATAN ang dalawang sundalo at apat na kasapi ng teroristang Dawlah Islamiya sa engkuwentro sa isang liblib na barangay sa Datu Hoffer, Maguindanao del Sur, Martes ng umaga.
Kinumpirma ng 6th Infantry Division ng Philippine Army sa inisyal na pahayag nitong Martes ng gabi ang insidente. Sugatan ang dalawang kasapi ng 40th Infantry Battalion na sina Pfc. Anthony Felomino, 26 anyos; at Pfc. Ainer Magayan, 31.
May tama ng bala sa kaliwang binti si Felomino. Matinding tama naman ng bala sa kanang balikat ang tinamo ni Magayan.
Sa report, nagpapatrolya ang mga sundalo sa Barangay Tuayan sa Datu Hoffer nang mag-ulat ang ilang residente ng presensiya ng teroristang grupo na nangingikil ng pera at sapilitang humihingi sa kanila ng pagkain.
Umabot ng halos isang oras ang habulan at manaka-nakang palitan ng putok ng dalawang panig, nagresulta sa pagkakasugat ng apat na mga terorista, tatlo sa mga ito kinilala na sina Salim, Tasil at Muntasir na kamag-anak ng magpinsang napatay ng mga notoryus na mga commander ng Dawlah Islamiya na sina Abdulkarim Lumbatan Hashim at Danny Cabakunan.
Si Hashim at Cabacunan, na kilala din bilang Commander Jacket, ay napatay ng tropa ng 1st Mechanized Brigade at mga operatiba ng Police Regional Office-12 sa public bus terminal ng Tacurong City, Sultan Kudarat nitong January 2023.