Advertisers

Advertisers

Ang Allejam Trading at ang ‘katapatan’ ng NAIA-BOC sa P1.6-B shabu

0 432

Advertisers

WALANG kawala ang dalawang Intsik na sina Jayson Tang at James Ong nang masakote sila ng operatiba ng Philippine Drugs Enforcement Agency – Central Luzon (PDEA – CL) at Bureau of Customs – Ninoy Aquino International Airport (BOC – NAIA) sa Cabanatuan City nitong Oktubre 31 dahil sa methamphetamine hydrochloride, o shabu.

Ang nakuhang shabu ay P1.632 bilyong halaga na ayon sa impormasyong inilabas ng BOC sa media ay galing sa Ywlee 87 Trading na matatagpuan pa sa Subang Jaya, Selangor sa Malaysia.

Ibig sabihin, hindi lang mula sa China ang nakapapasok na shabu sa ating bansa kundi mayroon ding nanggaling sa Malaysia.



Ang deklaradong produktong nanggaling sa Malaysia ay “work bench tables” na nakarating sa bansa noong Oktubre 24.

Ang nasabing produkto ay nakapangalan sa Allejam International Trading.

Ngunit, busisiin ng mga tauhan ng BOC – NAIA ay droga pala.

Pokaragat na ‘yan!

Ngayong nakuha ng BOC – NAIA at PDEA ang mahigit P1.6 bilyong halaga ng shabu at nadakip sina Tang at Ong, palagay ko hindi dapat matapos ang aksyon ng PDEA sa pagkakahuli sa dalawang Intsik.



Obligadong imbestigahan ng PDEA sina Tang at Ong upang matumbok ang sindikato ng droga na kanilang kinabibilangan.

Syempre, nararapat ding imbestigahan ang Allejam Trading Corporation upang malaman kung unang pagkakataong nasangkot ang kumpanyang ito sa iligal na droga, o ilang ulit nang nakapangalan dito ang padalang shabu.

Kailangan ding imbestigahan ang mga may-ari at nangangasiwa ng Allejam Trading Corporation upang malaman kung mayroon silang nalalaman sa nasabing transaksyon sa iligal na droga.

Ang pagpasok ng droga mula sa ibang bansa ay isa mga iligalidad na nagaganap sa NAIA.

Mainam kung nadidiskubre ng mga opisyal at kawani ng BOC sa NAIA na shabu, ecstasy at ibang uri ng bawal na gamot ang nakararating na mga produkto sa ating bansa dahil nangangahulugang kumikilos sila laban sa droga.

At higit na maganda kung ang mga opisyal ng BOC – NAIA ay “tapat” at “seryosong” kumikilos laban sa iligal na droga, imbes na ang rason, o motibo ng kanilang pagkilos ay hindi naibigay ang ‘napagkasunduang’ parte.

Pumasok sa isip ko ito dahil ang korapsyong naganap sa Bureau of Immigration (BI) na nakabase sa NAIA ay nabunyag sa Senado ngayong 2020, samantalang 2017 pa ito nag-umpisa.

Umabot na sa P40 bilyon ang kinita ng mga utak at protektor ng Pastillas Gang mula 2017 hanggang 2020, banggit sa imbestiga-syon sa Senado.

Ang duda ko ay mayroong mga kasapi sa Pastillas Gang ang nabuwisit dahil sa napakatagal na pagpapadala ng kanilang parte mula sa kitang ibinibigay ng mga Intsik sa NAIA – BI upang makapasok sa ating bansa kahit walang “visa”.

Siyempre, nakabuwisit kung isang buwan ang aantayin ng mga miyembro ng Pastillas Gang bago matanggap ang kanilang parte.

Notoryus na kung dalawang buwan ang pag-aantay nila.

Uulitin ko, maganda kung walang nangyayaring ganyan sa BOC – NAIA.

Maganda, kung tapat at seryoso ang mga opisyal at kawani ng BOC na nakatalaga sa NAIA.