Advertisers
UMAKYAT na sa 16 katao ang nasawi sa pananalasa ng bagyong Rolly sa bansa base sa ulat ng Office of Civil Defense 5.
Sa report ng OCD, 10 sa mga nasawi ay mula sa Albay (Daraga, 1; Guinobatan, 3; Malinao, 2; Oas, 1; Polangui, 1; Tabaco City, 2) habang 6 katao ang nasawi sa Catanduanes (Gigmoto, 1; Virac, 4; San Miguel, 1). Nasa 3 katao naman ang iniulat na missing sa Guinobatan, Albay.
Samantala, halos dalawang milyon indibidwal mula sa 12 rehiyon ang naapektuhan ng Super Typhoon Rolly, ayon sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa ginanap na press briefing Lunes, sinabi ni NDRRMC executive director Ricardo Jalad na ang kabuuang bilang ng mga indibidual na naapektuhan ay nasa 2,068,085 o 372,653 pamilya.
Nagmula ang mga ito sa mga rehiyion I, II, III, CALABARZON, MIMAROPA, V, VI, VII, VIII, IX, Cordillera Administrative Region at sa National Capital Region.
Aabot naman sa P1.1 billion halaga ng pinsala ang iniwan ng Super Typhoon Rolly sa sektor ng agrikultura, ayon kay Department of Agriculture Sec. William Dar.
Sa isang press briefing, sinabi ni Dar na 20,000 magsasaka ang apektado ng Bagyong Rolly, na nag-iwan ng pinsala sa bigas, mais, at iba pang mga high-value crops.
Nananatili namang nakararanas ng kawalan ng supply o paputol putol supply na kuryente ang 147 cities/municipalities sa Calabarzon, Mimaropa Region 5 at Region 7 matapos nang mag-shutdown ang Bacman Geothermal Power Plant at Iligan power plant at SLPGC.
Nasa 19 na mga kalsada at 4 na tulay ang naapektuhan ng pagbaha, landslide at pagbagsak ng mga puno sa Region 2, 3, Calabarzon Region 5 at CAR kung saan 15 kalsada at 4 tulay ang hindi pa madaanan ng mga sasakyan.
Nakararanas din ng kawalan ng supply ng tubig ang may 114 mga cities/municipalities sa Region 5.
Isinailalim naman sa State of Calamity ang lalawigan ng Cavite dahil sa epekto ng Bagyong Rolly. (Mark Obleada/Vanz Fernandez)