Advertisers
NAGSAGAWA ng aerial inspection si Pangulong Rodrigo Duterte kasama si Sen. Christopher “Bong” Go sa mga matinding sinalanta ng bagyong Rolly partikular ang Bicol Region tulad ng Catanduanes at Albay nitong Lunes, Nobyembre 2.
Binisita ng Pangulo ang Guinobatan, Albay na humarap sa mga residente na naapektuhan ng bagyo.
Ayon kay Sen. Go, inatasan ni Pangulong Duterte ang mga concerned agencies na magsagawa ng imbestigasyon sa umano’y mga operasyon ng quarrying sa mga lugar na inirereklamo ng mga tha residente.
Dagdag pa ni Go, na una nilang ipopokus ng gobyerno ay mabilisang pagbibigay ng tulong sa mga naapektuhang komunidad at muling maibalik sa normal ang apektadong lugar.
“Ipinatawag po niya ang lahat ng ahensya ng gobyerno para tumulong kaagad dito sa recovery efforts,” wika pa ni Go.
Nanawagan din ayon kay Go ang Pangulong Duterte sa mga kaakibat na ahensya na doblehin ang kanilang pagtatrabaho para makatiyak na maibigay ang serbisyo sa mga lugar na nasalanta at maipabot sa komunidad ang pangangailangang suporta mula sa gobyerno.
Kabilang sa mga naturang ahensya ang DICT (Department of Information and Communications Technology) para sa restoration ng communications; Department of Energy, restoration ng electricity; Department of Public Works and Highways (DPWH), repair ng mga road and other infrastructure, lalo na ang mga critical at essential sa delivery ng goods; Department of Transportation (DOTr) para sa restoration of travel by repairing damages sa mga airport and seaport.
Gayundin ayon kay Sen Go. ang DSWD (Department of Social Welfare and Development) para sa agarang delivery ng food packs, non-food items, mga financial assistance mga tents at Department of Health (DOH) para sa mga gamot kabilang ang mask and hygiene kits.
Samantala, pinaalalahanan din ang mga local government units na mahigpit na ipatupad ang social distancing at ibang health protocols sa mga evacuation centers para maiwasan ang posibleng pagkalat ng COVID-19 at iba pang sakit. (Vanz Fernandez)
VP Robredo nag-ikot sa CamSur
Bumisita at namahagi ng ayuda si Bise Presidente Leni Robredo sa Naga City, Camarines Sur matapos itong masalanta ng Bagyong Rolly.
Base sa abiso ng Office of the Vice President (OVP), ala-1 ng hapon nitong Lunes, Nobyembre 2, nang dumating si Robredo sa Camarines Sur upang mamahagi ng ayuda sa mga nasalanta ng bagyo.
Bukod dito, nagtungo rin si Robredo sa Catanduanes dahil lubha rin itong naapektuhan ng Bagyong Rolly.
Bago tumama ang tinaguriang “world’s strongest typhoon” sa bansa, nauna nang namahagi ng tulong ang tanggapan ni Robredo sa ilang low-lying areas sa Camarines Sur.
Tubong Naga City ang bise presidente, kung saan dati siya nang nanungkulan bilang kongresista ng ikatlong distrito. (Josephine Patricio)