Advertisers
Mariing kinondena ni Senador Christopher “Bong” Go, vice chairperson ng Senate committee on national defense, ang agresibong aksyon ng Chinese Coast Guard (CCG) sa West Philippine Sea kasunod ng pagbangga nito sa isang resupply boat na kinontrata ng AFP, ang Unaiza Mayo 2, noong Oktubre 22.
Ayon kay Go, masyado nang nakababahala ang nangyayari sa WPS dahil sa pambu-bully ng Tsina sa mga barko ng Pilipinas.
“Walang katapusan itong naririnig natin na pagtutok noon ng military laser, water cannon at ngayon naman ay binabangga (na ang ating mga vessel),” anang senador.
Kaya naman nananawagan si Go na sana ay maresolba ito sa mapayapang paraan at hindi umabot sa karahasan dahil maliit lang tayo na bansa.
Pero sinabi niya na kahit maliit tayo, kilala ang Pilipino na lumalaban at ipinaglalaban kung ano ang sa atin. Nakahanda umano siyang ipaglaban ito dahil ito ay karapatan natin.
Binigyang-diin ni Go na mahalaga ang resupply mission sa pagpapanatili ng presensya ng bansa sa Ayungin Shoal.
“Karamihan diyan ay nasa resupply mission lang po sa Ayungin Shoal, atin ‘yun eh. What is ours is ours. Kung ano ang nire-resupply natin, hindi naman tayo lumalabag sa batas. Ipinaglalaban natin kung ano lang ‘yung atin,” pagtatapos ni Go.
Nauna na ring kinondena ni Go ang kahalintulad na panggigipit ng mga Chinese nang gumamit ng water cannon ang isang Chinese coast guard vessel laban sa isang Philippine vessel na nagtangkang magdala ng supply sa grounded BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Upang higit na mapabuti ang maritime capabilities ng bansa, inihain ni Go ang Senate Bill No. 2112, o ang PCG Modernization Bill na naglalayong i-upgrade ang mga gamit at resources ng PCG.
“Ang ating Coast Guard ay nagsisilbing frontline defense laban sa mga banta tulad ng smuggling at terorismo. Malaki at importante ang kanilang trabaho. Bukod pa rito, nagbibigay sila ng napakahalagang tulong sa panahon ng mga kalamidad at emerhensiya,” paliwanag ni Go.