Advertisers
NASAWI ang isang kandidato sa pagka-barangay chairman at nadamay ang kanyang misis at anak sa ambush sa Kapatagan, Lanao del del Sur umaga ng Miyerkules, October 25, 2023.
Kinumpirma ni Colonel Robert Daculan, provincial police director ng Lanao del Sur, ang pagkasawi ni Kamar Bilao Bansil sa naturang insidente, na nagdulot ng pagkatakot sa mga residente ng Barangay Sigayan sa Kapatagan.
Ayon kay Daculan, isang Maranao si Bansil na kandidato sa pagka-barangay chairman ng Sigayan; at ang tinuturong namuno sa mga nag-ambush sa kanila ay si Pabil Pagrangan, mister ng reelectionist chairwoman ng naturang barangay.
Ayon kay Daculan, sakay ng kanilang puting multicab utility vehicle ang mga biktima, patungo sa isang lugar nang pagbabarilin gamit ang M16 rifles ni Pagrangan at mga kasama na nakaabang sa gilid ng isang bahagi ng highway sa Barangay Sigayan.
Nasawi rin sa naturang pananambang ang kabiyak ni Bansil na si Jasmin at ang kanilang anak na si Manmo, na naisugod pa sa hospital ng mga pulis at mga kasapi ng emergency response team ng Kapatagan local government unit.
Ayon sa pulisya, bago ang krimen, nagkaroon ng pagtatalo ang salarin at ang misis ng kandidato.
Magkatuwang na hinahanap na ng mga kasapi ng Kapatagan Municipal Police Station si Pagrangan at mga kasabwat na mabilis na nakatakas matapos ang pananambang.
Habang pag-uusapan ng Peace and Order Committee ng bayan kung isasama ang lugar sa listahan ng Area of Immediate Concern sa gaganaping Baranggay at Sangguniang Kabataan Elections sa Lunes.