Mayor Honey sa mga kandidato sa BSKE: “Be magnanimous in victory, gracious in defeat”
Advertisers
“BE magnanimous in victory, gracious in defeat.”
Ito ang apela ni Manila Mayor Honey Lacuna sa lahat ng kandidato sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections, kasabay din ng panawagan niya sa lahat ng mga boboto na bigyan ng dangal ang kanilang karapatang bumoto.
“Sa Lunes, ika-30 ng Oktubre, lahat tayong mga botante ay inaasahang pumunta sa ating mga presinto upang bumoto para sa mga nais nating mamuno sa ating mga barangay. Sa nagdaang ilang araw ng kampanya, sana’y napag-aralan nating mabuti kung sino ang sa palagay natin ay pawang karapat-dapat na bigyan ng ating tiwala,” pahayag nito.
Binigyang diin ni Lacuna na: “Ang pamunuan ng ating barangay ang unang-una sa hanay ng istraktura ng ating pamahalaan. Sila ang mas agad nating nalalapitan at natatakbuhan. Sila ang mas malapit at kilala natin. Kaya’t pahalagahan natin ang ating boto.”
Binati ng lady mayor sa lahat ng kandidato ng best of luck at pinasalamatan ang lahat ng ito sa kanilang kagustuhang maglingkod sa publiko.
Si Lacuna ay nanawagan sa kanila na magkatuwang na magtrabaho para sa malinis, maayos at payapang halalan at tanggapin kung anuman ang maging hatol ng mga botante.
Sa iba pang kaganapan, nagsagawa ang alkalde ng command conference sa Manila Police District (MPD) sa City Hall, na dinaluhan ng kanyang chief of staff na si Joshue Santiago at ng newly-installed acting district Director, Col. Arnold Thomas Ibay,
Ang alkalde ay nag- convened ng peace and order forces ng lungsod upang ipaalala sa kanila ang kanilang tungkulin kaugnay ng darating na Barangay at SK Elections sa October 30,2023.
Samantala, ay sinigurado naman ni Ibay sa alkalde ang kahandaan ng lahat ng kapulisan ng MPD sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan ng Maynila sa panahon ng eleksyon at Undas. (ANDI GARCIA)