Advertisers
GOOD news sa lahat ng matagal ng empleyado ng Manila City Hall.
Inanunsyo ni Mayor Isko Moreno na nilagdaan na niya ang isang memorandum of agreement sa pagitan ng Government Service Insurance System (GSIS) at ng pamahalaang lungsod kung saan ang mga magreretirong empleyado sa huling kwarter ng taong kasalukuyan ay makakatanggap ng benipisyo sa pamamagitan ng pension kahit pa may utang ang lungsod sa ahensya.
Ipinaliwanag ni Moreno na sa normal na kalakaran ay binabawasan ng employer ang sahod ng kanyang manggagawa ng partikular na halaga at ito ay pinadadala sa GSIS.
Sa kaso ng mga kawani ng City Hall, matatandaan na noong manungkulan si Moreno noong isang taon, natuklasan na may utang ang lungsod ng halagang P195 million sa GSIS.
“May utang pala ang City Hall sa GSIS. Kung kami ay di nagre-remit ng share sa GSIS, ang epekto nito, kawawa ang empleyado ng gobyerno lalo na yung mga magre-retiro kaya’t pilit nating itinatama ang pagkakamali,” ayon kay Moreno.
Pinasalamatan ng alkalde ang GSIS, ang city personnel sa pangunguna ni Jo Quintos at city treasurer Jasmin Talegon sa pagtatrabaho upang mabuo ang MOA kung saan ang pamahalaang lungsod ay nakatipid ng mahigit P68.4 million, nang pumayag ang GSIS na bawasan ang utang ng Maynila mula P195 million ay naging P126 million na lamang.
Sa ilalim ng MOA, ang lungsod ay magsisimulang magbayad ng utang buwan-buwan simula sa January sa pamamagitan ng staggered basis at inatasan na rin ni Moreno si Talegon na maghanda ng schedule sa pagbabayad bilang pagtugon sa kasunduan.
“At least ngayon, maari nang mapanatag ang mga empleyado. If you are retirable in October, November or December, ang epekto ng di updated ay apektado ang pension. Under the MOA, pumayag ang GSIS na lahat ng magreretiro ay as if bayad kayo. So wala nang pangamba,” ayon pa kay Moreno.
Ito ayon sa alkalde ang kanilang ambag bilang mga nasa pamahalaang lokal sa mga kawani na may karapatan din namang anihin ang bunga ng kanilang mahigit na 20 o 30 taong serbisyo sa pamahalaan.
Pinuri ni Moreno ang city personnel sa metikulosong pagtatrabaho para sa mga detalyeng kailangan sa nasabing MOA. (ANDI GARCIA)