Advertisers
IBINABALA ng isang opisyal ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na magpapataw sila ng mas mataas na parusa sa mga motoristang lumalabag sa regulasyon ng “Exclusive City Bus Lane/Bus Carousel Lane” sa Epifanio de los Santos Avenue (EDSA).
Sa isang news forum na inorganisa ng Presidential Communications Office (PCO), sinabi ni MMDA Director for Traffic Enforcement Group Victor Nuñez na ang bus carousel lane ay laan para sa mass transport upang hikayatin ang mga pasahero na gumamit ng public transportation.
“The idea kung bakit ho exclusive ang bus carousel is for the mass transport eh maging priority, para mapabilis and to encourage iyon mga motorist natin na instead magdala ng sasakyan, try to use the bus carousel na mas mabilis at may exclusive lane,” wika ni Nuñez.
Aniya, ang mga motoristang nahuli na dati na nagbabayad ng P1,000 ay tila hindi nababahala sa multa basta makalusot sila sa masikip na trapiko kaya’t plano nilang itaas ang multa para rito.
Nabatid na mula Hulyo hanggang Setyembre, may higit sa 2,100 motorista na ang mga nahuli dahil sa paglabag sa eksklusibong bus lane kung saan karamihan ay mga pribadong sasakyan. (Gilbert Perdez)