Advertisers
UMATRAS ang dalawampu’t siyam na guro sa lalawigan ng Abra bilang electoral board member bago ang Oktubre 30 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), ayon sa Commission on Elections (Comelec) nitong Linggo.
Sa isang press conference, binigyang diin ni Comelec chairman George Garcia na umatras ang 29 na guro sa pagsisilbi bilang poll worker para sa BSKE dahil related ang mga ito sa kandidato.
Ayon kay Garcia, hindi totoo na tinakot o pinag-withdraw ang mga guro.
Bilang pamalit, 93 na tauhan mula sa Philippine National Police (PNP) ang ide-deploy.
Kung matatandaan nauna nang sinabi ni Garcia na nasa 3,000 tauhan ng PNP sa buong bansa ang sinanay para palitan ang sinumang gurong aatras bilang electoral board member para sa darating na BSKE.
Nagtungo sa Abra ang mga opisyal ng Comelec nitong Linggo matapos umatras ang mahigit 200 kandidato para sa 2023 BSKE, at matapos rin barilin ang isang kandidato sa munisipalidad ng Bucay.