Advertisers
UMABOT na umano sa P5.756 bilyon ang halaga ng napinsala na mga kalsada, tulay, flood-control structure, public buildings dahil sa bagyong Rolly.
Ito ang inanunsyo ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar.
Aniya, P1.515 bilyon ang pinsala sa mga kalsada, P458.2-milyon sa mga tulay, P2.036 bilyon sa flood-control structures, P367.25 milyon sa public buildings, and P1.379 bilyon sa iba pang imprastraktura.
“As expected, our assessment teams identified majority of the destruction in Bicol Region amounting to P4.621 Billion,” ani Villar.
Sa Bicol region, iniulat din ng DPWH ang mga saradong kalsada sa Isla sa probinsya ng Catanduanes na ngayon ay mahirap maabot dahil na rin sa kawalan ng supply ng kuryente at telecommunication signal mula nang tumama ang bagyong Rolly.
Ang ilang kalsada naman na hindi pa maaring madaanan ng mga motorista sa Catanduanes ay ang intermittent sections ng Catanduanes Circumferential Road dahil sa landslide at nagbagsakang mga puno.
Maliban sa tatlong kalsada sa Catanduanes, 5 iba pang kalsada ang iniulat na sarado sa Region 5 kabilang ang Tabaco Wharf Road 2, Ligao -Tabaco Road, Matacon Polangui Jct. Rd. section sa Albay; Lagonoy-Caramoan Road, RS, Ancolan, Presentacion, at Nabua- Balatan Road sa Camarines Sur.
May dalawa ring nanatiling saradong kalsada sa Cordillera Administrative Region at Central Luzon kabilang ang Apayao-Ilocos Norte Road, Dibagat, Kabugao, Apayao at Nueva Ecija – Aurora Road Detour Road sa Diteki Bridge dahil din sa nagbagsakang mga debris at wire.
Sa ngayon nasa 19 road sections na ang nalinis at binuksan ng DPWH quick response teams. (Jocelyn Domenden)